INIHAYAG ng pamunuan ng Philippine National Police na mananatiling naka-full red alert status ng buong pwersa ng pambansang pulisya hanggang sa “Feast of Epiphany” o hanggang Enero 6, 2023.
Ito ay kasabay ng kanilang pahayag na hanggang sa pagpasok ng mga unang oras ng taong 2023 ay mapayapa at naging ligtas sa pangkalahatan ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief P/Col. Red Maranan, walang malalaking kasong naitala saan mang bahagi ng bansa base sa datos ng PNP.
Maliban sa dalawang ilegal na pagpapaputok ng baril na naitala sa Iloilo at Quezon City na kinasangkutan ng isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) at isang sibilyan na kapwa naman nadakip at nahaharap sa kasong indiscriminate firing.
Bukod dito, nakapagtala rin ng isang kasong ligaw na bala sa Iloilo City pero agad ding naaresto ang suspek.
Samantala, dalawang parak naman ang posibleng masibak sa serbisyo dahil sa pagpapaputok ng kanilang baril nitong nakalipas na Pasko.
Sa ibinahaging ulat ni PNP Spokesperson P/Col. Jean Fajardo, dalawang police officers mula sa Batangas at Pangasinan ang sasalang sa inquest proceedings dahil sa pagpapaputok ng kanilang baril nitong nagdaang kapaskuhan.
Nabatid pa na bukod sa kasong criminal, nagsasagawa rin ng kanilang pagsisiyasat ang PNP Internal Affairs Service at maaaring maglabas ng kanilang resolution bago matapos ang buwang kasalukuyan.
“These PNP officers will likely be dismissed from the service,” ani Col. Fajardo.
Umakyat naman sa 36 ang bilang ng mga dinakip dahil sa pag-iingat, paggamit at pagbebenta ng illegal firecrackers hanggang bago sumapit ang pagsalubong ng bagong taon.
Una na ring inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Maj. Gen. Jonnel Estomo na naging mapayapa ang pagsalubong ng Bagong Taon sa NCR.
Ayon kay PNP Chief P/Gen Rodolfo Azurin Jr., nakamit ang mapayapang pagsalubong ng Bagong Taon dahil sa maagang paghahanda at maigting na implementasyon ng pagbabawal sa paggamit ng paputok sa lalo na sa hindi awtorisadong lugar. (JESSE KABEL RUIZ)
183