POGO SA LAGUNA IKINANDADO

LAGUNA – Tuluyang isinara ng mga awtoridad ang isang Internet Gaming Licensee (IGL) sa Biñan City matapos matagumpay na mapasok nila ito noong Martes ng gabi.

Dakong alas-10:00 ng gabi ay ikinandado ng mga tauhan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Biñan City, kasama ang mga tauhan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), ang New Wave Internet Gaming Licensee at ang mother company nito na New Wave Infotech Limited Philippines Inc. (NWIL) na umookupa ng anim na palapag ng Southwoods Tower number 2, sa Brgy. San Francisco, Biñan City.

Ayon sa report ng PRO 4A, sinalakay ang tanggapan sa bisa ng mission order No. 2024-279 at 280 ng PAOCC, na legal na batayan para sa mga raid at pag-aresto sa mga sangkot sa ilegal na operasyon ng POGOs sa bansa.

Bago naikandado, noong Martes ng umaga ay naudlot ang isasagawa sanang pag-inspeksyon ng PAOCC dito nang harangin sila ng property manager at hanapan ng warrant bago sila payagan na makapasok sa IGL.

Subalit matapos ipaliwanag ng PAOCC na hindi na kailangan ang search warrant dahil nasa ilalim ng PAGCOR facility ang IGL, ay naipagpatuloy ang inspeksyon nitong gabi.

Natuklasan na nasa mga tanggapan pa ang maraming computers subalit natuklasan na wala na lahat ang hard drives nito.

Ang New Wave Infotech Limited at ang New Wave Infotech Limited Philippine ay parehong nakatala sa PAGCOR supervised AMLC o Anti-Money Laundering Council hanggang noong December 2023 sa ilalim ng kategoryang POGO/IGL na may mga institution code na 093000089 at 093000053. (NILOU DEL CARMEN)

9

Related posts

Leave a Comment