(NI KIKO CUETO)
IPINALIWANAG ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) kung bakit sa panahon ng tag-ulan ay tila mala-summer ang init ng panahon.
Ayon sa Pagasa, ang mga mauulap na papawirin sa Metro Manila ang siyang suspek sa init, dahil iniipit nito ang iniaakyat na init mula sa lupa at hindi hinahayaang makalabas sa kalawakan.
Ito rin ang dahilan kung bakit mainit ang temperature tuwing gabi.
“Fair weather po kasi iyong ini-expect natin for the next 3 days so possible po na medyo maaraw po talaga iyong magiging panahon natin,” paliwanag ni PAGASA weather forecaster Ezra Bulquerin.
“Then medyo cloudy rin po sa ibang areas so pagdating ng gabi, iyong init na dapat lalabas, nata-trap. ‘Pag gabi, medyo mainit po ang nararamdaman natin,” dagdag niya.
Ang Bagyong Onyok, na lumabas ng bansa noong Lunes, ay posible namang magpaulan sa malaking bahagi ng northern Luzon, lalo na sa Batanes.
Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng mainit na temperatura na may kalat kalat na ulan.
Inaasahan naman ng Pagasa ang dalawa hanggang tatlong bagyo ang papasok ngayong Oktubre.
242