VAN SUMALPOK SA TRUCK 1 PATAY, 5 SUGATAN

QUEZON – Isa ang patay habang lima ang sugatan nang sumalpok ang isang van na sinasakyan ng magkakamag-anak, sa likod ng isang nakaparadang truck sa gilid ng Maharlika Highway Diversion Road sa bayan ng Atimonan sa lalawigang ito, nitong Sabado ng madaling araw.

Ayon sa ulat, galing Maynila ang Nissan Urvan Escapade na minamaneho ni Patrick Ced at sakay ang apat niyang kaanak, nang bumangga ito sa nakaparadang cargo truck sa kanang bahagi ng highway sa Barangay Malinao Ilaya dakong ala-1:00 ng madaling araw.

Ayon sa Atimonan Police, dead on the spot ang asawa ng driver na si Lea Ced na nakaupo sa unahang passenger seat ng van.

Sugatan din ang tatlo pang pasahero kabilang ang dalawang retired teacher na sina Elvira Ced Valez, 70, at Teresita Ced Euste, 68, at ang 24-anyos na dalagang si Rei Monicca Ced.

Isinugod ang mga biktima sa Doña Marta Memorial District Hospital matapos mahugot mula sa nagkayupi-yuping sasakyan.

Batay sa imbestigasyon, matulin ang takbo ng van sa pababang bahagi ng highway at mag-o-overtake sana sa isa pang sasakyan gamit ang outer right lane nang hindi mapansin ng driver ang nakaparadang truck.

Sa lakas ng pagkakabangga, lumusot ang unahan ng van sa likod ng truck na naitulak at umabante hanggang sa magkasamang mahulog sa hindi kalalimang bangin sa gilid ng highway. (NILOU DEL CARMEN)

140

Related posts

Leave a Comment