Pinuri ngayong araw ni dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang paglagda ng Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan, at sinabing ito ay “napapanahon” upang palakasin ang defense interoperability ng dalawang bansa. Kabilang dito ang naval training ng mga sundalong Pilipino sa paggamit ng mga barko at kagamitan na binili mula sa Japan, na layong higit pang pagtibayin ang depensa at seguridad ng Pilipinas sa rehiyong Asya-Pasipiko.
“Noong 2022, ang dating Ambassador sa Pilipinas na si Koshikawa Kazuhiko at ako ay unang nag-usap tungkol sa posibilidad ng pagsulong ng Reciprocal Access Agreement sa pagitan ng ating mga bansa, at dinala ko ang ideyang ito kay Pangulong Marcos sa simula pa lang ng kanyang administrasyon,” pahayag ni Zubiri. “Kaya’t malugod kong tinatanggap ang pagpirma na ito, at umaasa ako na magiging isang mahalagang partnership ito para sa pag-abot ng kapayapaan sa rehiyon.”
Binigyang-diin ni Zubiri na ang paglagda ng RAA ay magpapalakas sa strategic partnership sa pagitan ng Pilipinas at Japan, na tinawag niyang isang “napakahalagang kaalyado” (invaluable ally) ng Pilipinas. “Ang Japan ay isang napakahalagang kaalyado at ang kanilang tulong ay mahalaga sa modernisasyon ng ating Coast Guard at Navy. Sa pamamagitan ng RAA na ito, maaari pa nating palakasin ang ating capacity-building sa pamamagitan ng mga joint military exercises,” kanyang idineklara.
Patuloy na itinutulak ni Zubiri ang RAA sa iba’t ibang pagpupulong kasama ang mga opisyal ng Japan, tulad ng pagbisita ni Pangulong Marcos sa Japan noong Pebrero 2023 at ang sariling parliamentary visit ng Senado sa Japan noong Abril 2023, kung saan nakipagkita sila kay Prime Minister Kishida Fumio.
Sa imbitasyon ni Zubiri, pumunta naman ang Prime Minister sa Pilipinas noong Nobyembre 2023 upang magbigay ng makasaysayang talumpati sa patakaran sa isang joint session ng Philippine Congress. Sa talumpating ito, kinumpirma niya na siya at si Pangulong Marcos ay magkasundo sa pangangailangan na itaguyod ang RAA.
“Ang ating pagpupursige ay nagbunga na, at ngayon ay maaari na nating asahan ang mas pinatibay na seguridad at kooperasyon sa depensa sa ilalim ng RAA,” ani Zubiri.
Ang Japan-Philippines RAA ay isang kasunduan na nagtatakda ng mga pamamaraan para sa mga kooperatibong aktibidad na isinasagawa ng mga puwersa ng Japan at Pilipinas habang ang puwersa ng isang bansa ay bumibisita sa kabilang bansa at nagtatakda ng legal na status ng puwersang bumibisita. Ang Pilipinas ang pangatlong bansa na pinirmahan ng Japan ng RAA, kasunod ng Australia at United Kingdom.
Sa tulong ng Japan-Philippines RAA, inaasahang mas mapapadali sa pagpapatupad ng mga kooperatibong aktibidad, tulad ng joint exercises at disaster relief sa pagitan ng Japan at Pilipinas at pagbutihin ang interoperability sa pagitan ng mga puwersa ng dalawang bansa.
Habang ang kalagayan ng seguridad sa rehiyon ay nagiging mas matindi, ang paglagda ng makasaysayang kasunduan na ito sa pagitan ng Japan at Pilipinas, na itinuturing bilang isang strategic juncture sa Asya, ay higit pang magpapalakas sa kooperasyon sa seguridad at depensa sa pagitan ng dalawang bansa at matibay na susuporta sa kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific region.
106