NGANGA PA SA BAKUNA

BUKAS na ang isip ng mga Filipino sa ­COVID-19 vaccines at handa na silang magpaturok lalo na’t wala yatang pamilya na hindi nagkaroon ng coronavirus diseases ang isa sa kanilang mga miyembro.

Ang problema, walang available na bakuna sa mga malalayong ­probinsya dahil kapag nagtanong daw ang mga tao sa kanilang Local Government Unit (LGU) ay sasabihin sa kanila na wala pang naida-download na bagong ­supply mula sa national government o Inter-Agency Task Force (IATF).

Sa mga probinsya, hindi yata uso ang online registration dahil bukod sa hirap sa internet connection, marami pa ring matatanda ang walang access sa social media kaya personal silang pumupunta sa kanilang LGU.

Swerte lang ‘yung may mga kaanak sa LGU dahil agad silang ipinipila kapag alam nilang may darating na supply ng bakuna pero mas marami ang walang koneksyon kaya ­sinasadya nila ang kanilang munisipyo para magpalista pero pagdating nila roon ay sasabihin na wala pang bagong bakuna na dumarating o darating.

Umaasa lang ang mga tao sa kanilang barangay health workers na ­naglilista kung sino ang gustong magpabakuna at isinusumite ang listahan sa municipal health office pero dahil nga walang sapat na supply ay hindi sila tinatawagan.

‘Yung mga naiinip ay talagang pumupunta sa kanilang munisipyo at nagbabakasakaling matu­rukan na sila pero tulad ng sabi ko nga, ang laging sagot sa kanila ay wala pang supply na ­duma­rating.

Laging ipinagmamalaki sa atin ng IATF na marami nang supply ng bakuna at meron daw naka-stock na 30 million sa kanilang bodega pero bakit walang dumarating na supply sa mga probinsya.

Anong gagawin d’yan sa mga bakunang ‘yan, buburuhin? Ang daming nanganganib ang buhay sa COVID-19 pero hindi agad ipinamimigay sa mga probinsya para iturok na sa mga tao na handa nang magpabakuna.

O hihintayin ba ang pag-arangkada ng pormal na kampanya sa Pebrero para sa maramihang pagbabakuna at personal na puntahan ng mga kandidato para magpa-picture at sabay kampanya? Huwag naman.

Huwag naman sanang magamit ang COVID-19 vaccines para sa personal na interes ng mga kandidato lalo na ang mga manok ng administrasyon dahil ang perang ipinambili ng mga bakunang iyan ay pera ng taumbayan.

Malaking bahagi ng ipinambili ng bakuna ay inutang ng gobyerno na babayaran ng ­sambayanang Filipino pagdating ng araw kaya hindi ‘yan dapat ­magamit sa pulitika ng ­kahit sino mang kandidato.

Marami rin sa mga bakunang itinuturok ngayon sa mga Filipino ay ­donasyon ng iba’t ibang bansa na idinaan sa ­COVAX facility ng World Health Organization (WHO) kaya walang karapatan ang sino man na gamitin ito sa pulitika.

Kung sariling bili ng mga kandidato ang mga bakuna, sige gamitin niyo sa kampanya niyo pero ‘yung mga pinondohan ng sambayanang Filipino at donasyon ng iba’t ibang bansa, huwag naman.

‘Yung mga available na supply ipamahagi na agad sa mga probinsya para maturukan na ang mga tao dahil lumalala ang kanilang anxiety dahil sa pandemyang ito na courtesy ng China.

Huwag nang paghintayin ang mga tao at dapat samantalahin ng gobyerno ang kahandaan nilang magbakuna na dahil baka magbago na naman ang isip nila at hindi na magpabakuna.

145

Related posts

Leave a Comment