NINANAKAW NA PAGKABATA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAUNA ang Australia. Ngayon, Denmark naman ang kumikilos. Plano nitong ipagbawal ang paggamit ng social media sa mga batang wala pang 15-taong gulang. Malinaw ang hakbang ng layuning ito na ibalik ang pagkabata na unti-unting ninanakaw ng mga online platform.

Sa panukala ng Denmark, may papel pa rin ang magulang. Maaari nilang aprubahan ang paggamit ng social media simula edad 13. Ibig sabihin, hindi bulag na pagbabawal, kundi may gabay, may hangganan, at may pananagutan. Sa Australia naman, mas mahigpit—social media ban para sa mga wala pang 16. Nangunguna sila sa pandaigdigang pagsisikap na pigilan ang pinsalang dulot ng internet sa kabataan, kabilang ang Facebook, Snapchat, TikTok, at YouTube.

Habang ang ibang bansa ay kumikilos para protektahan ang isipan ng kanilang mga anak, isang tanong ang bumabagabag: kailan naman ang Pilipinas?

Hindi na sikreto ang epekto ng labis na paggamit ng gadgets sa kabataan. Dumarami ang kaso ng depresyon, pagkabalisa, kakulangan sa konsentrasyon, at emosyonal na pagod. Mga problemang dati’y bihira sa murang edad. Sa halip na maglaro sa labas, makipag-usap nang harapan, at matutong mainip, nakatutok ang mga bata sa screen—hinahabol ang likes, views, at validation.

Hindi lang ito usapin ng disiplina sa bahay. Usapin ito ng pampublikong polisiya. Kasama ang mga magulang, kailangang muling suriin ng pamahalaan ang epekto ng social media sa kalusugang pangkaisipan ng kabataan. Hindi sapat ang paalala at seminar. Kailangan ng malinaw na patakaran, matibay na regulasyon, at tapang na banggain ang interes ng malalaking platform.

Sa kasamaang-palad, ang umiiral sa hanay ng mga nasa puwesto ay ibang uri ng pagkakaabalahan: agawan ng posisyon, patalbugan ng kapangyarihan, at mga desisyong ang sentro ay pansariling interes. Sa gitna nito, tahimik na nawawala ang isang henerasyon—nabubuo ang pagkatao sa algorithm, hindi sa tunay na mundo.

Ang hakbang ng Australia at Denmark ay hindi perpekto, pero tama ang direksyon. Mensahe ito na may mga bagay na mas mahalaga kaysa clicks at kita. Na ang pagkabata ay hindi dapat minamadali, mino-monetize, o minamanipula.

Ay bata, bata, bakit ka ba ginawa?

Para sa kinabukasan, hindi para gawing produkto ng internet. Ang tanong ngayon: Handa ba ang Pilipinas na ipaglaban iyon?

77

Related posts

Leave a Comment