Ayon kay Senador Richard Gordon, pinuno ng Senate Committee on Accountability of Public
Officers & Investigations (Blue Ribbon) at Committee on Justice and Human Rights, maaari namang harapin ni Major Rodney Raymundo Baloyo IV ang mga kasong kinahaharap sa korte ng Pampanga sa pamamagitan ng video teleconferencing.
“Pwede naman gawin ng court na payagan ‘yung video conferencing, the lawyers can ask the question thru video conferencing, stenographic notes can be taken,” paliwanag ni Gordon.
“Besides, anong sasabihin ni Baloyo, kung sa amin ayaw sumagot e, lalo sa court. The main basis is he is under contempt and confined to Muntinlupa. ‘Pag dinala si Baloyo [sa Pampanga-BJMP Jail, mahihirapan nang ibalik ‘yan [sa NBP]. To avoid that, I consulted [Senate President Vicente Sotto III], and ang pinag-usapan namin, video conferencing, pwede naman.”
Ang humiling sa paglipat kay Baloyo ay ang NBP-Reception and Diagnostic Center nitong Hulyo 13.
Ayon kay Drilon, si Baloyo ay mananatili sa NBP hangga’t hindi pa tapos ang ulat ng kanyang mga komite hinggil sa pinagsamang imbestigasyon ng mga ito ukol sa korapsyon sa implementasyon ng Republic Act (RA) 10592, o Good Conduct Time Allowance Law, at “ninja cops” sa Pampanga.
Ayon sa rekord ng mga komite ni Gordon, si Baloyo ang pinuno ng operasyon ng pangkat ng mga pulis laban sa isang drug lord sa Mexico, Pampanga noong Nobyembre 2013.
Sa nasabing operasyon, kumita umano ng milyun-milyong halaga ang pangkat ni Baloyo mula sa nakumpiskang ilang kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Nagpasya ang Blue Ribbon Committee at Justice Committee na ikulong si Baloyo sa NBP makaraang asuntuhin siya ng contempt of court dahil sa pagsisinungaling sa imbestigasyon ng Senado.
“Alam mo nagsisinungaling ka. ‘Pag inulit ‘yung tanong, iba na sagot mo,” birada ni Senador Panfilo Lacson kay Major Baloyo noong Oktubre 3.
Nasangkot si General Oscar Albayalde sa kasong ito dahil siya ang direktor ng Philippine National Police-Pampanga (PNP-Pampanga) nang mangyari ang operasyon ng pangkat ng ‘ninja cops’ na pinamumunuan ni Baloyo noong 2013.
Dahil sa matinding bigwas sa PNP sa nangyaring krimen na kinasangkutan ng mga pulis mismo sa Pampanga, napilitang magbitiw si Albayalde sa pagiging hepe ng PNP, halos isang buwan bago siya magretiro noong Nobyemre 2019.
Sinampahan pa ng maraming kasong kriminal si Albayalde sa Department of Justice (DOJ) na ibinatay sa napakalakas, napakatibay at sapat na ebidensiyang hawak ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) makaraang magretiro ang heneral. (NELSON S. BADILLA)
