RAPIDO NI TULFO
ILANG reklamo na ang natanggap ng RAPIDO tungkol sa nawawalang load ng Easy Trip na ginagamit ng mga motorista tuwing daraan sa North Luzon Expressway (NLEX).
Ayon sa reklamo ng isang OFW, ang kanilang sasakyan ay nakagarahe lamang sa kanilang bahay sa Las Piñas City pero nakatatanggap umano ng notification ang kanyang misis, sa pamamagitan ng message mula sa mobile app na MPT Drive Hub, na nabawasan ang kanilang load matapos nitong dumaan sa Balintawak Toll Plaza.
Agad umano silang nakipag-ugnayan sa pamunuan ng NLEX sa pamamagitan ng kanilang hotline kung saan noong una ay sinasabi pa raw ng kanilang kausap na baka ang misis nito o ibang kaanak ang gumamit ng sasakyan nang hindi nito nalalaman. Kinailangan pa umano nilang kumuha ng “real time evidence” na ang kanilang sasakyan ay nakaparada lamang at hindi nagagawi sa norte.
Ini-refund naman daw ng NLEX ang nawala nilang balanse. Pero ito ay naulit na naman nang ilang beses at tulad ng dati ay naire-refund naman.
Pero ayon nga sa OFW, abala sa kanila ang pagre-report sa hotline ng NLEX tuwing mababawasan ang kanilang Easy Trip load.
Napag-alaman umano nila sa isang hotline agent na marami na ring katulad na reklamo ang kanilang natatanggap kung saan nababawasan ang kanilang load at nagagamit sa iba’t ibang exit ng NLEX.
Tila highway robbery nga raw ang nangyayari at maaaring marami rin ang hindi napapansin na nababawasan sila ng load, lalo na ang mga wala namang app sa kanilang mga cellphone upang ma-track ang activities at balanse ng kanilang sasakyan.
Ang tanong ay bakit nangyayari ang ganitong insidente? Ibig bang sabihin ay na-duplicate ang kanilang account number kaya’t nababawasan sila ng load kahit hindi ginagamit ang kanilang sasakyan o ito ba ay insidente ng hacking?
Kung marami nang katulad na reklamo ang natatanggap ng MPTC (Metro Pacific Tollways Corporation) dapat ay hindi ito balewalain lang dahil baka sa susunod ay magdulot ito ng mas malaking problema, hindi lang sa mga motorista, kundi maging sa pamunuan ng MPTC.
37