‘RELIGION IS THE OPIUM OF THE PEOPLE’

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

NAGSAGAWA ang mga kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC) ng isang malawakang pagkilos nitong nakaraang Lunes sa 13 lugar sa bansa, pangunahin sa Quirino Grandstand sa Luneta sa Maynila. Tinawag nila itong “National Rally for Peace”.

Bihirang magkaroon ng pagkilos ang INC lalo’t higit kung may nakatagong layuning pampulitika kahit sabihing pang “peace rally”. Nakasentro ang pagtitipon sa panawagan na muling magkaisa sina PBBM at Vice President Sara Duterte alang-alang sa sambayanang Pilipino. At…panggulantang din sa mga politiko. Malapit na ang eleksyon.

Matatandaang sinuportahan ng INC ang tambalang PBBM-Duterte noong nakaraang halalan. At ang nagaganap na paghihiwalay ngayon ng dalawa ay tila hindi matanggap ng sekta kaya kumikilos sila upang muli silang magsama.

Ngunit parang suntok na ito sa buwan. Malalim na ang sugat.

Paano muling makikipagbati si PBBM kay Sara gayung pinagbantaan siya nito sa publiko na ipatotodas siya, ang kanyang esposa at pinsang-buo niyang si Speaker Martin Romualdez, kung siya (Sara) ay unang ipatitigok? Nagpalabas naman ng report ang PNP, AFP at NBI na wala silang nalalamang anomang banta sa buhay ng bise presidente.

##########

Bagama’t nag-utos si PBBM sa kanyang mga alipores sa Kongreso na huwag isulong ang impeachment complaints laban kay VP Duterte – tatlo na sa huling ulat at may nakaamba pang pang-apat – maituturing itong isang estratehikong hakbang ng Presidente at hindi ibig sabihin ay binibigyang proteksyon niya ang dating partner.

Sentrong isyu sa impeachment complaints ang umano’y malawakang panderekwat sa multi-milyong intelligence/confidential fund (CF/IF) sa Office of the Vice President at DepEd noong kalihim pa nito si Sara.

Nabuyangyang sa publiko ang kontrobersyal na pondo kaya may mga nagtatanong din kung paano ginagastos ni PBBM ang kanyang CF/IF.

Bagama’t sa unang impresyon ay sikretong pondo ito, may pinahihintulutang mga hakbang upang bulatlatin kung saan ginastos at kanino napunta ang CF/IF na posibleng maglagay sa Malakanyang sa mas malaking kontrobersya. At isa ito sa pinaniniwalaang dahilan kaya tinututulan ni PBBM ang impeachment ni VP Sara kahit gusto na niyang sipain ito sa puwesto.

Batay sa huling survey ng Social Weather Station (SWS), lumabas na 41 percent ng mga Pinoy ay gustong masibak si Sara sa pamamagitan ng impeachment, 35 porsyento ay tutol, at 19 percent naman ay wala pang desisyon. Bagama’t hindi pa masasabing sagad na ang galit ng publiko, isang senyales ang numero sa survey na marami na rin ang umaangal.

Ang malungkot nito, kahit lumusot sa Kongreso ang impeachment complaints (suntok din ito sa buwan), natitiyak na hindi naman ito aaprubahan ng Senado na aaktong huwes na hahatol kay Sara.

Siyam na senador lang ang bumoto ng NO, ibabasura na ang kaso. Apat na senador – Dela Rosa, Go, Padilla at Marcos – ang tiyak na nasa panig na ni Sara. Lima na lang ang kulang.

Now, sa ginawang pagkilos ng INC na nagpahayag na kontra sila sa impeachment, hindi mahirap kumuha ng dagdag pang senador para kay Sara. Bahag ang buntot ng mga politiko sa INC.

Ano ang kahihinatnan ng impeachment complaints? Tiyak na itatapon sa basurahan ng Senado. Pero mag-iiwan ito ng mas lalong nag-aapoy na galit ng maraming mamamayang Pilipino.

##########

Praktika ng INC ang tinatawag na “bloc voting” tuwing eleksyon. Kung sino ang basbasang kandidato ng liderato ng INC, obligado ang bawat botanteng kasapi na iboto ito. Kaya naman humahalik sa puwit ng bawat ministro ng INC ang mga politiko – simula sa barangay hanggang nasyunal – upang masungkit ang pakyawang boto ng sekta.

Sa ganitong sitwasyon, hindi nakapagtataka na ang mga politiko mula Aparri hanggang Jolo, ay nagpahayag ng pakikiisa sa ginawang aktibidad ng INC. Kanya-kanyang sipsip.

Ang marami sa mga ito ay tiyak na nagbigay rin ng palihim na donasyon – kwartang gastusin, t-shirt, pagkain, transportasyon at akomodasyon – para sa aktibidades. Siyempre, umaasa ang mga politiko na hindi sila malilimutan ng sekta sa darating na eleksyon.

Batay sa huling census noong 2020, tinatayang nasa 2.8 million ang kasapi ng INC kumpara sa 85 million na kabilang sa simbahang Katoliko Romano. Ngunit hindi nagdidikta ang simbahan ng mga Katoliko kung sino ang iboboto. Malaya ang mga kasapi na pumili kahit pa korap at magnanakaw ang kandidato.

Iginagalang ko ang praktika ng bawat relihiyon sa mundo kesehodang parang robot ang kanilang mga kasapi sa pagsunod sa kanilang diyos-diyosan dito sa lupa. Kanya-kanyang trip lang ‘yan. Wala namang perpektong relihiyon. Marami ay may mga raket kahit pa ang aking sariling simbahan, pero dedma lang ang maraming kasapi.

Sabi nga ni Karl Marx: “Religion is the opium of the people”.

Ngunit nararapat itanim sa isipan ng bawat Pilipino, anoman ang kanilang relihiyon, na may obligasyon ang taong-bayan na ibulgar, labanan at wakasan ang katiwalian sa gobyerno kahit na sino pa ang tamaan.

Dapat itong gawin hindi lamang para sa sarili kung hindi para sa susunod na henerasyon upang mamuhay sila sa isang lipunang malaya, responsable ang pamahalaan, at namamayani ang katarungan para sa lahat.

75

Related posts

Leave a Comment