INANUNSYO ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakaaresto sa no.7 most wanted person ng Northern Samar Provincial Police Office, sa pinagsamang operasyon ng mga awtoridad sa Quezon City noong Marso 18.
Kinilala ni QCPD Director, Police Brigadier General Danilo P. Macerin, ang suspek na si Edmar Cerbito, 32, taxi driver, tubong Northern Samar.
Nadakip ang suspek ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng QCPD Crime Investigation Section (CIS), sa ilalim ng pamumuno ni P/Maj. Elmer Monsalve; NCRPO-Regional Intelligence Unit (RIU) at Regional Special Operation Group (RSOG), sa pumumuno ni P/Lt. Edgardo Sicay; at Laoang Municipal Police Station, Northern Samar PPO, dakong alas-2:00 ng hapon sa Session Rd., Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Si Cerbito ay nakalista bilang no.7 most wanted person ng Laoang Municipal Police Station, Northern Samar PPO, dahil sa kasong murder.
Nahuli naman ng CIS si Ralph Garcia, 33-anyos, call center agent, sa Camp Karingal, Sikatuna Village, Quezon City, dahil sa kasong theft.
Arestado rin ang tatlo pang wanted person sa bisa ng warrant of arrest, sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ang mga suspek na sina Jun Sadian, 42, nadakip ng Novaliches Police Station 4 dahil sa kasong four counts ng paglabag sa RA 7610 o Anti-Child Abuse Law; Arnel Agub, 33, nahuli ng Novaliches Police dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Betty Ao, 63, arestado ng Project 4 Police Station 8, dahil sa kasong paglabag sa BP 22 (bouncing checks). (JOEL O. AMONGO)
