TANGING mga kandidatong nahatulan sa kasong may karampatang parusang 18 buwang pagkakakulong pataas ang maaaring idiskwalipika sa halalan.
Ito ang buod ng pahayag ng Commission on Elections (Comelec) sa gitna ng mga panawagang nagsusulong sa electoral disqualification ni dating Senador Ferdinand “Bongbong Marcos Jr.
Ayon mismo kay James Jimenez na tumatayong tagapagsalita ng Comelec, walang malinaw na basehan para malaglag sa talaan ng mga kandidato para sa 2022 presidential election si Marcos, kasabay ng paglilinaw sa mga probisyon hinggil sa sinusulong na disqualification laban sa pambato ng Partido Federal ng Pilipinas.
Aniya, isa sa basehan para sa diskwalipikasyon ay kung ang isang kandidato ay napatunayang nagkasala nang walang bahid alinlangan ng korte para sa isang kasong may karampatang parusang pagkakakulong ng 18 buwan pataas – bagay na hindi aniya pasok ang dating senador.
“He doesn’t meet this criteria. Right now there is no clear case for disqualification,” pahayag ni Jimenez nang kapanayamin ng mga mamamahayag.
Kabilang sa mga nagsusulong ng disqualification ni Marcos ay mga personalidad na kilalang kaalyado ng Liberal Party (LP) na sumusuporta naman sa presidential candidacy ni Vice President Leni Robredo. Ikinatwiran ng mga nasa likod ng disqualification bid ni Marcos ang umano’y tax case noong 1995.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Atty. Vic Rodriguez na tumatayong Chief of Staff ng dating senador na handa silang harapin at tugunan ang mga isyung ipinupukol sa kanilang kandidato.
“We shall address this predictable nuisance Petition at the proper time and forum – after we receive the OFFICIAL copy of the same.”
“Until then, we will refrain from commenting on their propaganda. Our camp does NOT engage in gutter politics. Our campaign is about nation-building. For Presidential aspirant Bongbong Marcos, this election is about the future of the Filipino people,” saad ng kalatas ni Rodriguez.
Sa isang panayam, tiniyak naman ni Marcos na hindi siya patitinag sa aniya’y maruming taktika ng mga kalaban sa pulitika.
“Sasagutin na lang namin ito pagdating. Siguro kasama na rin yan sa pulitika. Lalo na yung aming mga kalaban ay imbes na humarap sa eleksyon… kasi siguro natatakot sila sa numero, ididisqualify na lang ako. Pero hindi ako natatakot, hindi ako aatras, patuloy ang lahat ng aking gagawin, hindi ako mag-slide down. Patuloy lang ang aking kandidatura at sa aking mga supporters sa buong Pilipinas, nagpapasalamat ako na hindi nawawala ang inyong tiwala sa akin.”
141 