NILINAW kahapon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine na ang paghahandang ipinag-utos ni AFP chief of Staff General Romeo Brawner sa hukbo ng Northern Luzon Command (NOLCOM) na maging handa nang maging frontliner sakaling lusubin ng China ang Taiwan, ay patungkol sa pagliligtas sa 250K overseas Filipino workers na nagtatrabaho sa Taiwan.
Ito umano ang nais na paghandaan ng NOLCOM dahil tiyak na maaapektuhan ang Pilipinas sakaling mangyari ang hindi inaasahang pagsalakay ng China sa Taiwan na itinuturing nilang teritoryo at probinsiya lamang nila.
Ayon kay Col. Francel Margaret Padilla, ang tagapagsalita ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, “Bahagi ng ating mandato na protektahan po ‘yung ating bayan, ‘yung ating mamamayan”.
“So, with that po, since we have 250,000, around 250,000, na mga OFW sa Taiwan, patuloy po kaming nagsasagawa ng mga masusing contingency plans para po maging handa sa iba’t ibang sitwasyon. Hindi lang ito for defense but also for humanitarian assistance and disaster response po,” ani Col. Padilla.
Magugunitang sa pagdiriwang ng NOLCOM ng 38th anniversary ay binilinan ni Gen. Brawner ang hukbo sa Hilagang Luzon na pinangungunahan ni Lt. Gen. Fernyl Buca, na ang mandato ng Nolcom ay bantayan ang northern frontier na malapit lamang sa proximity ng Taiwan.
“So, ito po we underscore na ito pong context ng pagkasabi niya lagi po talagang nakaantabay po ‘yung ating Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa kahit anoman pong kaganapan sa rehiyon po, especially po sa joint operating area po na sakop ng iba’t ibang units po natin,” ani Padilla.
Maging ang tagapagsalita ng Malakanyang ay nagpalabas ng paglilinaw para pawiin ang pangamba ng taumbayan sa posibilidad na sakupin ng China ang Taiwan matapos magsagawa ng military exercises sa Taipei na hinihinalang bahagi ng planong pagsakop sa Taiwan na matagal na nito umanong pinagpaplanuhan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, “Walang dapat na ipag-alala ang publiko” sa bagay na ito sa kabila ng naging panawagan ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa Filipino troops na maghanda na sakaling tuluyan nang sakupin ng Tsina ang Taiwan.
“Sa aming pagtanto, hindi naman po dapat mabahala ang taumbayan,” sabi pa ni Castro.
“Start planning for actions in case there is an invasion of Taiwan. So ie-extend na natin ‘yung sphere of operations natin because if something happens to Taiwan, inevitably we will be involved,” ayon kay Brawner sa kanyan talumpati sa ika-38 anibersaryo ng NOLCOM.
Winika pa ng heneral, tungkulin ng AFP-Nolcom na pangunahan ang rescue operations sakaling mangyari ang worst case scenario roon.
Inatasan din nito si AFP-Nolcom chief, Lt. Gen. Fernyl Buca at iba pang mga opisyal ng militar na maging handa sa mga posibleng maging kaganapan.
Matatandaan, sa pagbisita ni US Defense Chief Pete Hegseth, sinabi nito na paiigtingin pa ang pagpigil sa mga mararahas na aksyon ng China sa West Philippine Sea, depensa sa Indo Pacific Region, at maging sa Taiwan.
(JESSE KABEL RUIZ)
