OVP TUTULUNGAN MGA PINOY NA INARESTO SA QATAR

INIHAYAG ni Vice President Sara Duterte na tutulungan ng kanyang tanggapan ang mga Pilipinong inaresto matapos magsagawa ng political demonstration sa Qatar noong nakaraang linggo.

Sa katunayan, makikipag-ugnayan ang Office of the Vice President (OVP) sa ibang ahensiya para pag-usapan ang tulong na maaaring ipagkaloob sa mga inarestong Pinoy.

Nauna rito, tiniyak ng Malakanyang na hindi aabandonahin ng gobyerno ng Pilipinas ang mga inarestong Pinoy at tutulungan ang mga ito.

“Obligasyon pa rin po ng ating pamahalaan, ng administrasyon, ang mga Pilipino anuman po ang kulay nila, wala po tayong sinisino, wala po tayong discrimination patungkol po diyan. Basta po kapuwa Pilipino ay tutulungan po iyan ng administrasyon,” ang sinabi naman ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Samantala, iniulat naman ng Department of Foreign Affairs na apat sa 20 na nahuli sa Quatar ay pinalaya na habang nanatiling nakakulong ang 16 na posibleng makulong hanggang tatlong taon.

Binuyo Mo, Tulungan Mo

Hinamon naman ng isang administration congressman si dating Presidential spokesman Harry Roque na tulungan ang mga OFW na nakulong sa Qatar dahil siya ang nambuyo sa mga ito na magprotesta nang arestuhin at isuko sa International Criminal Court (ICC) si dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay House committee on overseas workers affairs chairman Jude Acidre, may responsibilidad si Roque na bigyan ng direktang tulong ang 16 OFWs na nahuli dahil sa illegal protest, sa halip na umaapela lamang ito sa Qatari authorities.

“Habang abalang-abala ang administrasyong Marcos sa pagtulong sa ating mga kababayang Pilipino na nahuli sa Qatar, mas mainam siguro na gamitin ni Atty. Harry Roque ang kanyang kakayahan bilang isang international lawyer para tulungan ang ating mga kababayang OFW sa Qatar sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal na tulong o kaya’y pagkalap ng financial support para sa kanila,” ayon sa mambabatas.

“Sa intindi ko, isa siya sa mga nagbuyo sa ating kawawang mga kababayang naiipit ngayon na magsagawa ng pagtitipon. Wala namang silbi ang appeal, appeal niya sa Qatari authorities. Unang-una, wala siyang legal personality to make the appeal. Pangalawa, fugitive siya dahil sa contempt ng Kamara tapos may kaso pa siyang human trafficking dahil sa POGO. Ang pwede niya talagang maitulong ay legal aid sa mga naaresto sa Qatar,” dagdag pa nito.

Noong nakaraang buwan ay umaabot sa 20 OFWs na nakabase sa Qatar ang sumbay sa worldwide protest laban sa pagkakakulong ni Duterte sa The Hague, Netherlands subalit dahil ilegal ang ganitong pagtitipon sa nasabing bansa ay inaresto ang mga ito.

Apat sa mga ito ay menor de edad na anak ng mga OFW na sumama sa protesta ang pinakawalan habang nananatili sa kulungan ang 16 pa na posibleng makulong ng tatlong taon at pagmultahin ng 50,000 Riyal na katumbas ng P764,000.

Sa ngayon ay tinutulungan na umano ng gobyerno ang mga OFWs subalit nais ni Acidre na tulungan mismo ni Roque ang mga ito dahil siya ang nanawagan sa mga ito na magsagawa ng kilos protesta.

“Wala naman siyang official business sa Netherlands. Hindi naman siya parte ng legal defense team doon, kaya bakit hindi na lang siya tumulong dito sa ating gobyerno upang masiguro ang kaligtasan at hustisya para sa OFWs na nakakulong sa Qatar?” susog pa ng mambabatas.

(CHRISTIAN DALE/PRIMITIVO MAKILING)

26

Related posts

Leave a Comment