(Ni Jomar Operario)
Maaari nang magparehistro bilang declarants ng Bureau of Customs (BOC) ang mga non-brokers.
Ito’y matapos na pahintulutan ng BOC ang lahat ng importers ang kanilang mga tao na tumayong ahente o Attorney-in-Fact na magdesisyon kung saan ilalagak at ipoproseso ang kanilang declaration of goods sa ahensya sa pagsumite ng aplikasyon para makakuha ng Certificate of Accreditation bilang declarant mula sa ahensya.
Kaalinsunod na rin ito sa inilabas na Customs Memorandum Order (CMO) No. 34-2019 na kung saan nakasaad na ang declarant ay responsable para sa tamang declaration of goods at para sa pagbabayad ng duties, taxes at iba pang bayarin ng mga imported goods.
Ang sinumang lalabag nito ay papatawan ng naaayon sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at iba pang may kaugnayan sa batas partikular ang Sections 106 at 107 ng CMTA na nakasasakop sa accreditation at registration.
Kaugnay nito, lahat ng mga nagnanais maging accredited bilang declarant ay kinakailangang mag-apply para sa rehistrasyon sa ilalim ng Client Profile Registration System (CPRS).
Ang rehistrasyon ay magkakaroon ng validity sa loob ng isang taon mula sa petsang inilabas maliban lang kung hindi ito suspendido o pinawalang bisa.
Ang pag-isyu ng CMO ay bahagi na rin ng hangarin ng ahensya para sa maayos na implementasyon ng CMTA at pagsunod sa mandatory standards ng Revised Kyoto Convention tungo na rin sa isinusulong na makabagong pamamaraang reporma ng ahensya at makasabay sa international standards.
