NOTORIOUS NA AHENSYA SA TURKEY, INIREREKLAMO NG MGA OFW

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

SUNOD-SUNOD na rek­lamo ang natanggap ng ating AKO OFW mula sa mga OFW sa Turkey laban sa may-ari ng ahensya na pinangalanang Olcay Nazli Karakus na ang ka-partner na ahensya sa Pilipinas ay ang Success International Placement Inc.

Dalawang linggo na ang nakararaan nang mayroong nagsumbong sa ating programang Bantay OFW sa DWDD 1134 KHz, upang ireklamo si Olcay dahil umano sa ginawang pagpunit ng ­kanyang pasaporte upang hindi siya makalabas ng airport. Nag-ugat ang galit ni Olcay kay OFW Christy (hindi tunay na pangalan) dahil lamang siya ay nagsabi sa kanyang amo ukol sa kanyang karaingan.

Tumawag agad ang amo kay Olcay at nagdesisyon ito na ibalik na lamang sa kanyang ahensya si OFW Christy.

Buong akala ni OFW Christy ay ililipat lamang siya sa ibang employer, ngunit nagulat na lamang siya nang makita niya ang airport at doon ay pilit ­siyang pinababa ng sasakyan. Ngunit bago siya tuluyang pinaalis ay ­pinunit muna nito ang ­pasaporte ni OFW Christy na naging ­dahilan upang hindi siya ­payagan ng Immigration officer ng Turkey na makasakay ng eroplano. Ang ­sumbong ni OFW Christy ay agad nating ipinaalam kay Labor Attaché Alex Padaen .

Ngayon naman ay isa na namang OFW sa Turkey ang nagrereklamo laban kay Olcay Nazli Karakus. Ayon kay OFW Mira (hindi tunay na pangalan) na tubong Lipa, Batangas: “Nag-umpisa ang lahat noong nag-apply ako kay Madam Olcay Nazil ­Karakus at nakilala ko rin si Archie Cagang. Nag-offer si Archie ng “escorting” upang makalabas ako ng bansa para makapagtrabaho sa Turkey”.

“Sa totoo ay wala akong kamalay-malay tungkol sa sinasabi nilang escorting pero nahimok na rin nila ako dahil talagang kailangan kong makapag-abroad dahil ­nabiktima ako ng scam at nabaon ako sa utang sa 5/6. Nagbayad ako ng halagang $1,500 para lang makalabas ng bansa, ayon kay Olcay at Archie ay mabilis akong makakaalis ng bansa at kailangan lamang magbigay ng padulas.”

Ngunit na-scam lamang pala kami at hindi natuloy ang aming pag-alis ng bansa na may escort. Dahil dun ay tumawag sa akin ang aking ahensya sa Turkey na ikaka-cancel na nila ang aking visa.

Kung kaya sobra-sobra akong nagmakaawa na huwag i-cancel dahil nabaon na ako sa utang dahil lamang sa pagproseso ng aking dokumento at sa ipinambayad sa escort. Pumayag naman ang aking ahensya ngunit sa kondisyon na pipirma ako ng internal agreement na nagsasabi na kakaltasan ako ng kabuuang halaga na $1,500 sa aking kada-sweldo at sila rin ang hahawak ng aking pasaporte.

Pumayag na po ako sa kanilang kondisyon para lamang makaalis na ng bansa sa pamamagitang ng legal na ahensya. Dalawang buwan pa lamang ako ay nagsabi na ako kay Olcay Nazli Karakus na may-ari ng ahensya sa Turkey tungkol sa aking kalagayan sa aking employer na kung saan ay pinag-aalaga ako ng kanyang dalawang anak na may edad na 9 na taon at ang isa ay mahigit isang taon at sobrang patrabaho dahil ako na rin ang nagluluto at naglilinis ng bahay.

Ang payo lamang ni Olcay ay magsabi na lamang ako sa aking employer na pauwiin ako sa Pilipinas ngunit ang bilin niya ay huwag ko raw sasabihin ang aking tunay na reklamo para hindi magalit ang employer. Ipinayo rin niya na unti-unti ko nang dalhin sa boarding house ng ahensya ang aking mga damit at saka na lamang pumunta sa ahensya kapag nadala na sa boarding house ang lahat ng aking kagamitan.

Ngunit matapos ng ilang beses kong pagpunta sa boarding house ay nagtaka na ang aking amo dahil marami akong dalang damit at doon na siya naghinala at agad na binuksan ang aking drawer at nalaman niya na wala na akong damit sa aking drawer. Nagalit ang aking employer at agad na ipinatawag si Olcay. Ngunit timbes na ipagtanggol ako sa aking amo ay siya pa mismo ang nagsumbong na nagpaplano raw ako na mag-run away kung kaya dapat daw ako ay ipa-deport na agad.

“Dahil naisip ko na rin ang aking magiging kahihinatnan kung ako ay uuwi sa Pilipinas na baon sa utang, ay nakiusap na lamang ako sa aking amo na huwag ako ipa-deport at tatapusin ko na lamang ang aking kontrata. Pumayag naman ang aking amo pero sa kondisyon na hindi na ako maaaring lumabas ng bahay sa loob ng tatlong buwan bilang aking kaparusahan,” pagtatapos ni OFW Mira.

Ang sitwasyon na ito ni OFW Mira ay naiparating na natin kay Labor Attache Alex Padaen upang kanyang busisiin ang karakter at ang klase ng pamamalakad ng ahensya ni Olcay Nazil Karakus.

Tila hindi nararapat na mabigyan ng permiso o accreditation ng Migrant Workers Office ang opisina o ahensya ni Olcay dahil sa pagiging notorious nito sa paglaglag sa ating mga OFW sa tuwing may sumbong ang mga ito sa kanilang employer.

Gayundin ang nakababahalang “escorting scheme” na itinuturo nito sa mga kanyang aplikante para lamang makaalis ng ating bansa. Mabigat ang dapat na maging kaparusahan sa ganitong klaseng pagpapaalis ng ating mga OFW na hindi dapat palagpasin ni Secretary Susan “Toots” Ople ng Department of Migrant Workers.

***

Kung kayo ay may sumbong, reklamo o ibig papurihan ay magpadala lamang ng mensahe sa ating email address na drchieumandap@yahoo.com.

253

Related posts

Leave a Comment