BATANGAS – Muling nagka-engkwentro ang mga tauhan ng Philippine Army at mga miyembro ng rebeldeng New people’s Army sa bayan ng Lobo sa lalawigang ito, nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa ulat ng 59th IB ng Army, nangyari ang panibagong bakbakan sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Malapad na Parang, Lobo, Batangas dakong alas-8:10 ng umaga. Tumagal ng halos 10 minuto ang labanan bago umatras ang mga rebelde.
Ayon pa sa Facebook post ng 59th IB, may mga bakas ng dugo at may mga nasugatan sa panig ng mga rebelde.
Samantala, sa cellphone video na kuha ng mga netizen, nahintakutan ang mga residenteng malapit sa lugar sa sunod-sunod na malalakas na putukan.
Kita sa video na nagtatakbuhan ang ilang residente palayo sa lugar na pinangyarihan ng engkwentro na hindi kalayuan sa highway sa may tinatawag na “Bitukang Manok” sa Batangas City-Lobo Road.
Sa isang tahanan, dinig din ang mga putukan na ikinatakot ng mga nakatira.
Noon lamang Hulyo 18, nagka-engkwentro rin ang mga sundalo at NPA sa Brgy. Guinhawa, sa bayan ng Taysan at umabot ang labanan hanggang sa Brgy. Pinaghawanan, bayan ng Lobo.
Sa nasabing labanan, isang batang babae ang sinamang palad na namatay nang maipit sa gitna ng labanan habang nagpapastol ng kanilang mga alagang kambing. (NILOU DEL CARMEN)
231 