NPA MURDER SUSPECT, LAGLAG SA PNP-PRO5

ISANG aktibong kasapi umano ng communist terrorist group na kabilang sa apat na New People’s Army na responsable sa kidnapping at pagpatay sa inosenteng sibilyan sa San Fernando, Masbate, ang nadakip ng mga tauhan ng PNP Police Regional Office 5 sa ikinasang manhunt operation ng Masbate Police Provincial Office sa San Fernando, Masbate.

Ayon kay PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, unti-unti nang nabibigyan ng linaw ang pagkamatay ng isang lalaking pinaslang sa San Fernando, Masbate nang madakip ng Masbate PPO ang akusadong si Rommel Bona y Ramos, 32-anyos, may asawa, casual employee ng lokal na pamahalaan ng San Fernando.

Ayon sa impormasyong ibinahagi ni PNP-PRO5 Spokesperson Police Major Malou Calubaquib, bandang alas-10:00 noong Huwebes ng umaga, isinagawa ng Masbate PPO ang law enforcement operation laban kay Bona sa Brgy. Silangan, San Fernando.

Si Bona ay isang miyembro ng New People’s Army sa ilalim ng Eliseo Cabarles y Bartolay alyas “Ka Kiko” Command kung saan ito naitalaga bilang Squad commander at bomber.

Batay sa record ng PNP Bicol, ang akusado ay may kinalaman sa pagkidnap at pagpatay sa biktimang si Wilfredo Espares y Andaya noong Enero 27, 2021 sa Barangay Bagumbayan, Masbate City.

Ang akusado ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na ipinalabas ng RTC, Branch 50, San Jacinto, Masbate noong Hulyo 13, 2021.

Ang PNP Bicol, sa pangunguna ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, RD, PRO5, ay patuloy pa rin sa paglulunsad na police operation upang tukuyin ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng iba pang mga kasabwat ng nahuling akusado. (JESSE KABEL)

148

Related posts

Leave a Comment