SAMAR – Patay ang isang kasapi ng communist New People’s Army habang dalawa pang kasamahan ng rebeldeng grupo ang nadakip sa madugong hot pursuit operation nang tangkain nilang tambangan ang mga sundalo ng Philippine Army 8th Infantry Division sa lalawigan.
Ayon ulat na ipinarating sa tanggapan ni Army commanding general, Lt. Gen. Antonio Nafarrete, ni Major General Adonis Ariel G. Orio PA, commander ng 8th Infantry Division, tatlong beses nilang nakasagupa ang nalalabing mga kasapi ng CPP-NPA Special Operations Group (SOG), Yakal Platoon, Sub-Regional Committee (SRC) Browser, Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC), sa Barangay Concepcion, Paranas, Samar nitong nakalipas na linggo.
Naging matindi umano ang bakbakan nang tangkain ng heavily armed NPA na tambangan ang tropa ng 46th Infantry Battalion na nauwi sa hot pursuit operation.
Habang tinutugis ng mga sundalo ang mga tumatakas na Communist NPA terrorist ay dalawang ulit silang nagsagupa hanggang sa ma-outmaneuvered ang CNTs na nagresulta sa pagkakapaslang kay Gerry Dela Cruz, alias “Justin,” at pagkakahuli kina alias “Aye,” political guide, SRC Browser, at alias “Tintin,” kasapi ng Regional Security Force (RSF), EVRPC.
Nabawi ng mga sundalo ang tatlong 5.56mm M16 rifles, dalawang .45 caliber pistols, 3 backpacks, tatlong bandoliers, subversive documents, at iba pang war materiel.
Noong Setyembre 8, 2025, nakasagupa rin ng 8ID ang mga kasapi ng EVRPC na nagresulta sa recovery ng apat na mataas na kalibre ng baril.
Samantala, Pinapurihan ni MGen. Adonis Ariel G. Orio ang alisto at mabilis na pagkilos ng 46IB troops kaya hindi sila nalagasan.
“These successful engagements are proof that our relentless pursuit operations are effectively dismantling the armed capability of the CTGs. We will continue to hunt down these remnants until they can no longer threaten the peace and progress of Samar in general,” ani Maj. Gen. Orio.
(JESSE RUIZ)
