(NELSON S. BADILLA)
PERYAHAN ng Bayan, ang ginagamit ni alyas “Renel” sa kanyang jueteng operation sa Caloocan City.
Ito ang idiniin at tiniyak ng source kung saan ang impormasyon ay galing sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Alam ito ng pulisya ng Caloocan at ng liderato ng Northern Police District (NPD) na pinamumunuan ni Brig. Gen. Jose Hidalgo, sapagkat mahusay ang intelligence unit ng pulisya ng Caloocan at ng NPD.
Ibinisto rin ng source na nakapasok si alyas Renel sa teritoryo ni Mayor Oscar ‘Oca” Malapitan makaraang maupong direktor ng NPD si Brig. Gen. Jose Hidalgo.
Si Hidalgo ay itinalaga ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar.
Mahusay umanong heneral si Hidalgo, kaya siya inilagay sa NPD.
Legal ang Peryahan ng Bayan na 36 lamang ang mga numerong pagpipilian upang manalo ang mga mananaya.
Ngunit, maraming Peryahan ng Bayan na 38 ang numerong pagpipilian ng mga mananaya bago manalo.
Ilegal at labag ito sa batas, kaya tinabla silang lahat ng korte, maliban sa Peryahan ng Bayan na 36 ang bilang ng numerong pagpipilian.
Ibang klase sa Caloocan, ayon sa mapagkakatiwalaang source, dahil “sobrang kakaiba” ang Peryahan ng Bayan na ginagamit ni alyas Renel sa kanyang jueteng operation, sapagkat 40 ang bilang na tatayaang kumbinasyon upang manalo ang mga mananaya sa kanya.
Sagad-saring ilegal ang pasugal ni alyas Renel dahil ilegal na nga ang jueteng, ilegal pa ang Peryahan ng Bayan niya.
Sa nasabing 40 numero ay siguradong mahirap manalo.
Ayon sa source, posibleng nag-iipon si alyas Renel ng pera upang mabayaran ang puhunang ibinigay ni alyas “Reyna” sa kanya.
Kaya, maliban sa jueteng ay mayroon ding bookies ng “EZ2” at bookies ng “lotteng” si alyas Renel.
Naglagay pa siya ng dalawang sugal na ito kahit ito na rin ang ilegal na pasugal nina alyas “Boyong” at alyas “Tisay”.
Ang umano’y pinansiyer ni Renel na si alyas Reyna ay kilalang beterana sa ilegal na sugal na bookies ng small town lottery (STL) ng PCSO sa Laguna at ilang kalapit na lalawigan.
Itong si Reyna ay malakas sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na pinamumunuan ni Major Gen. Vicente Danao Jr. dahil itong si Reyna ay mayroong “hilaw” na kamag-anak sa NCRPO na “colonel” ang ranggo.
