PUNA ni JOEL O. AMONGO
NANINIWALA ang PUNA na malaking tulong ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para malusaw ang mga komunista/terorista sa bayan ni Juan dela Cruz.
Pero, hinay-hinay lang, mga kapatid nang hindi kayo napapaso. Ang binabanggit natin ay ang nangyaring press conference na ginawa ng gobyerno kamakalawa.
Nagulat ang mga awtoridad nang biglang bumaligtad ang dalawang environmental activist na sinasabing sumuko, nang biglang inihayag na sila ay dinukot ng militar at napuwersa silang pumirma sa affidavits.
Mismong mga tauhan ng gobyerno ang nagharap kina environmental activists Jonila Castro at Jhed Tamano sa press conference na inorganisa ng NTF-ELCAC sa Plaridel, Bulacan nitong nakaraan lamang.
Ang dalawang environmental activist ay iniharap sa press conference na ipinatawag ng NTF-ELCAC para sana magbigay linaw na hindi sila dinukot sa halip ay patunayang sumuko sila para makakalas mula sa makakaliwang hanay.
Imbes na sundin ng dalawa ang NTF-ELCAC ay kabaligtaran ang nangyari dahil ang naging pahayag ni Castro ay: “Ang totoo po ay dinukot kami ng mga militar na sakay ng van. Napilitan din kami na sumurender dahil pinagbantaan ‘yung buhay namin. ‘Yun po ang totoo.”
Si Castro ay kasapi ng AKAP Ka Manila Bay, isang grupo na tumututol at nagpapatigil sa mga reclamation project sa Manila Bay.
Inihayag naman ni Tamano, coordinator ng Ecumenical Bishops Forum, na naglalakad sila ni Castro nang bigla silang hablutin.
“May tumigil pong SUV sa harap namin tapos dinukot po kami. Pinilit kami pasamahin sa kanila. ‘Yun din po ‘yung totoo. Akala po namin sindikato pero kilala po nila kami.”
Kamakailan ay idineklara ng NTF-ELCAC at ng PNP sa ginawang pulong balitaan sa National Press Club, na sina Castro at Tamano ay kusang sumuko sa Philippine Army’s 70th Infantry Battalion sa Bulacan.
Pumirma rin umano ang dalawa para sa kanilang kustodiya dahil nagpasya na silang kumalas mula sa communist movement, na pinagdudahan at pinasinungalingan ng mga militanteng grupo.
“Hindi rin namin ginusto na mapunta kami sa kustodiya ng mga militar. Hindi rin totoo ‘yung laman ng affidavit dahil ginawa ‘yun, pinirmahan ‘yun sa loob ng kampo ng militar. Wala na kaming magagawa sa mga pagkakataon na ‘yun,” ayon pa kay Castro.
Tasahan namang itinanggi ni Lt. Col. Ronnel Dela Cruz, commander ng 70th IB, ang nasabing akusasyon.
“Ang pinanghahawakan po namin ngayon, kasi pumirma po sila ng kustodiya,” ayon kay Dela Cruz. Ganoon din ang pinaninindigan ngayon ng NTF-ELCAC.
Paalala natin sa gobyerno at sa NTF-ELCAC, ingat din minsan nang hindi kaso napapaso o nakukuryente.
Ganunpaman ay suportado po natin ang NTF-ELCAC dahil ayaw natin sa ginagawa ng mga komunista/terorista sa ating mga kababayan.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
