NU TEAMS KAMPEON!

NAIBULSA ng National University ang ikaapat na sunod nitong women’s championship via 6-0 sweep ng UAAP Season 82 Taekwondo Tournament sa Blue Eagle gym kamakalawa.

Dinispatsa ng Lady Bulldogs ang pinakamalaking balakid sa final day ng kompetisyon, nang talunin ang University of Santo Tomas, 5-2 at University of the Philippines, 4-3 para kumpletuhin ang perfect season.

Nasa kanyang huling taon sa NU, si bantamweight Baby Jessica Cabanal, 2015 Rookie of the Year mula sa Bicol, ang tinanghal na season MVP.

“Sobrang saya po kasi sa whole four years na laban, lahat po iyon champion na kasama ko sila,” tuwang-tuwang lahad ni Cabanal.

Tumapos na pangalawa ang Lady Tiger Jins na may 5-1 marka, habang third place naman ang Lady Maroons (4-2) sa three-day meet.

Ang NU ay ikatlong winningest team sa likod ng UST (12) at De La Salle (6).

Maging ang counterpart nitong Bulldogs ay kinumpleto rin ang 6-0 sweep sa men’s division.

Tinalo ng Bulldogs ang University of Santo Tomas, 6-1 at University of the Philippines, 7-0 tungo sa paghablot sa kanilang ikatlong sunod na titulo.

Si featherweight Sturdy Jay Gilbuena, ang 19-anyos na dating Asian Juniors Taekwondo campaigner mula sa Nasipit, Agusan del Norte ang tinanghal na Rookie-MVP.

“Sa preparation namin, sobra ang pinagdaanan namin. Isa-isa sa amin, lalo na ako may pinagdaanan din, pero hindi naging hadlang iyon para ma-claim namin ulit yung championship from last year,” wika ni Gilbuena.

“Lagi akong naniniwala kay Lord, naniniwala ako sa sarili ko at kay coach,” dagdag pa ni Gilbuena, na nadiskubre mula sa Palarong Pambansa.

Ikatlong winningest team rin ang NU sa men’s division, kasunod ng UST (14) at De La Salle (8).

181

Related posts

Leave a Comment