OASIS GLOBAL RESOURCES TINATAWAGAN NG PANSIN

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

MARAMI na namang mga OFW at kanilang pamilya ang nagpadala ng sumbong sa ­ating AKO-OFW upang humingi ng tulong para makauwi na sa Pilipinas.

Samu’t saring dahilan ang kanilang ipinararating sa atin kabilang na rito ang dahil sa dinudugo dahil katatapos lang manganak ng caesarian bago lumipad patungo sa Saudi Arabia. Meron din naman nagpapadala pa ng video na kung saan ay ipinapakitang sumusuka ito ng dugo na dahil daw sa sobrang pagod.

Mayroon ding mga nagpapasaklolo na makauwi na agad sa Pilipinas gayun halos dalawang linggo pa lamang na nakararating sa ibang bansa.

Gayunpaman, anoman ang kanilang mga dahilan maging ito ay totoo o gawa-gawa lamang na kwento ay patuloy pa rin tayong nakikinig sa kanilang kahilingan, dangan nga lamang na ­nagiging mabagal ang ating pagkilos dahil kinakailangan pa natin ­interbyuhin ang mga kaanak at maging ang nagsusumbong na OFW upang masiguro na totoo ang kanyang sumbong o hinaing.

Sa pagkakataong ito ay bibigyan natin ng puwang sa ­ating kolum ang hinaing ni Mildred Responso na humihingi ng tulong upang siya ay makauwi na sa Pilipinas.

Ayon sa impormasyon na kanyang ipinadala sa AKO-OFW ay sinabi nito na nakarating siya sa Madinah, Saudi Arabia sa pamamagitan ng Oasis Global Resources noong Marso 23, 2021.

Sampung buwan pa lamang sa kanyang employer ay ibinalik na ito sa kanyang ahensya.

Noong una ay sinabi ng kanyang ahensya sa Saudi Arabia na siya ay pauuwiin na lamang sa Pilipinas, ngunit sa kondisyong magtatrabaho muna sa ibang employer upang makaipon siya ng pera na kanyang pamasahe sa eroplano.

Inutusan din siya ng kanyang ahensya na kumuha na lamang ng “travel document” sa ­embahada upang hindi na kailangan na kunin pa ang kanyang pasaporte sa dating amo. Ngunit ang pangakong pagpapauwi sa kanya ay tuluyan nang napako dahil nag-expire na ang kanyang travel document ay hindi pa rin sya nakakauwi. Diumano, ang sabi ng ahensya niya ay wala pa rin daw kasing ibinibigay na exit visa.

Gayunpaman, ay pinipilit pa rin siya ng kanyang ahensya na magtrabaho na lamang sa mga amo na inirereto sa kanya. Ang masaklap nito, ay wala siyang natatanggap na sweldo sa kanyang pagtatrabaho dahil ang kanyang mismong ahensya ang kumukuha nito at hindi ibini-bigay sa kanya dahil diumano para pambayad sa mga ginastos sa kanya.

Ayon sa sumbong ni Mildred ay “binenta ako sa iba-ibang amo ng agency ko at wala ako ­nahahawakang pera kasi kinu­kuha nila at wala din akong hawak na papers ko. Hanggang ngayon ay hindi ako ina-update ng agency ko. Sobrang hirap dito sa ­pinagdalhan nila sa akin kasi nag-aalaga ako ng lalaking stroke at all around pa, gutom din ang abot ko kasi kuripot sila sa pagkain”.

Tinatawagan ng AKO-OFW ang atensyon ng Oasis Global Resources at sa POEA na bigyan pansin ang sumbong at kahilingan ni OFW Mildred para makauwi na sa Pilipinas.

299

Related posts

Leave a Comment