KASAMA na muli si Olympian pole vaulter Ernest John “EJ’ Obiena sa pagpupulong ng mga atleta at coaches ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Nabatid na ang World No. 5 at Asian pole vault record holder ay nakatakdang sumama kay PATAFA chief Phillip Ella Juico, mga kapwa atleta at coaches sa isang conference call ngayong Lunes.
Sa nasabing conference ay ihahayag ang mga plano at programa ng pederasyon sa mga sasalihang internasyonal na torneo.
Unang pagkakataon na muling makakasama si Obiena sa pagpupulong ng PATAFA matapos silang muling magkasundo sa isinagawang mediation ng Philippine Sports Commission (PSC).
Sinabi ni Juico, ang kanilang hindi pagkakaunawaan ng pole vaulter ay isang bagay na nakaraan na at ngayon ay panahon para mas tutukan ang mga paparating na kompetisyon.
Kabilang sa mga paghahandaan ni Obiena ay Southeast Asian (SEA) Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo at World Athletics Championships sa Oregon sa Hulyo.
