THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
NAGING usap-usapan sa social media ang panukalang batas na mag-uutos sa mga anak na suportahan ang kanilang mga magulang na matanda, may sakit, o kapos sa buhay.
Marami nang klaripikasyon ang lumutang tungkol dito na kung tutuusin, maganda naman ang layunin. Pero ang katumbas nito, maaaring makulong at pagmultahin ng daang-daang libo kung mapatutunayang hindi ginampanan ng mga anak ang obligasyon nila.
Ang una kong naisip, parang sapilitan naman. Kung talaga namang may kakayahan ang mga anak at napalaki nang maayos ng mga magulang — kailangan pa ba umabot sa ganito?
Ayon sa panukala, obligado ang mga anak na magbigay ng suporta sa kanilang mga magulang — pagkain, tirahan, gamot, at iba pa. Kapag tatlong buwan nang hindi nagbibigay ng suporta, may multang ₱100,000.00 o pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan. Kapag iniwan talaga ang magulang nang sadya, puwedeng makulong ng 6 hanggang 10 taon at multahan ng hindi bababa sa ₱300,000.00.
Parang mas matindi pa sa parusa sa ibang krimen o ibang paglabag sa batas. Kung totoo man, talaga bang makabubuti o makatutulong ito sa mga pamilya, o sa mas malawak na komunidad na ating ginagalawan?
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 9.2 milyon ang senior citizens sa bansa noong 2023. Tinaya rin na 3 sa bawat 10 sa kanila ay walang sariling kita o umaasa lang sa anak o kamag-anak. Sa datos naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mahigit dalawang milyon sa kanila ang nasa tinatawag na “vulnerable” status — ibig sabihin, walang pensyon, walang hanapbuhay, at walang nakikitang regular na suporta.
Bagama’t responsibilidad naman talaga natin ang ating mga pamilya, hindi mo rin maikakaila na importanteng mayroon tayong access sa maayos na social services para maging mas maayos ang ating buhay — bagay na mahirap masabi kung mararanasan ba natin sa Pilipinas.
Dapat naman talagang suportahan ng anak ang magulang. Pero parang napakahirap i-justify na kailangan pa ito isabatas at lagyan ng karampatang parusa. Nilinaw naman na hindi sakop nito ang mga magulang na napatunayang abusado pero paano kung walang sapat na ebidensiya tungkol dito.
Hindi natin maikakaila na maraming matatanda sa lansangan, palengke, o sa kalsada na tila iniwan ng kanilang pamilya. Sabi ng DSWD, halos 120,000 senior citizens ang nai-report na “neglected or abandoned” sa nakalipas na 5 taon. Kung totoo ito, may problema nga talaga.
Pero batas ba talaga ang solusyon? Bakit nga ba walang sapat na pensyon ang matatanda? Magkano ba ang nakukuha sa Social Security System na binabayaran natin — at dapat para sa atin rin naman. Sapat ba ‘yan para sa maintenance, renta, pagkain? At kung hindi naghulog ang magulang noong bata pa, wala rin silang matatanggap.
Sa aking palagay, hindi dapat iutos o i-obliga ang pagmamahal at pagsuporta sa magulang. Kung may problema sa ugnayan ng magulang at anak, baka hindi batas ang solusyon — kundi pagkakaunawaan, counseling, at suporta ng komunidad.
Kung gusto ng gobyerno na tunay na tulungan ang mga matatanda, marami pa naman pwedeng gawin. Nakaiinis lang kasi alam naman natin na kanya-kanya ng prayoridad at interes ang mga nasa pamahalaan, kaya naman mahirap ding umasa talaga sa kanila.
Pero pwede nilang dagdagan ang social pension at pagbutihin o ayusin ang healthcare system para hindi lang anak ang inaasahan sa gamot at pag-aalaga.
Sang-ayon naman ako sa pagkakaroon ng maayos na retirement homes o communities para sa elderly para sa mga walang kakayahan talagang mag-alaga. Sa huli, depende pa rin naman yan sa family dynamics at kakayahan ng bawat pamilya, pero mabuting mayroong options para hindi naman kawawa ang mga nakatatanda.
Maganda man ang intensyon ng panukalang batas, marami pa ring dapat isaalang-alang at maintindihan tungkol dito. Sa ngayon, parang hindi lang talaga maganda ang dating nito. Maraming dapat bigyang linaw pa, at maraming dapat isaalang-alang lalo na sa ating lipunang mayroong tight-knit na kultura sa pamilya.
