CAVITE – Namatay ang isang 52-anyos na construction worker nang mapuruhan sa suntok ng kanyang kabaro matapos magtalo sa kalagitnaan ng kanilang inuman sa Gen. Trias City sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Isinugod sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang si Benjamin Campanero Jr. y Rafael subalit namatay habang nilalapatan ng lunas.
Naaresto naman sa isinagawang follow-up operation ang suspek na si Albero Rada y Capalac, 47, isa ring construction worker.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ernesto Angue Jr. ng Gen. Trias City Police, alas-6:00 ng gabi nang mangyari ang insidente habang nag-iinuman ang dalawa at ilan pang kasama nila sa trabaho sa Buenavista 1, Gen. Trias City, Cavite.
Sa kalagitnaan ng kanilang inuman, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nauwi sa suntukan. Dahil sa lakas umano ng suntok ng suspek ay bumagsak ang biktima at tumama ang ulo sa semento.
Namagitan ang kanilang mga kasamahan hanggang sa umuwi ang biktima subalit nakaranas ito ng matinding sakit ng ulo at may lumabas na dugo sa ilong dahilan upang isugod sa ospital subalit namatay habang nilalapatan ng lunas.
Naaresto naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad. (SIGFRED ADSUARA)
213 