NAGLABAS ng babala ang Office of Civil Defense kahapon hinggil sa panibagong scam o modus operandi ng pagpapadala ng mapanlinlang na mensahe hinggil sa tulong ng gobyerno sa publiko sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nagbabala ang OCD sa publiko hinggil sa pagkalat ng mapanlinlang na mga text message na nagsasabing may matatanggap na tulong pinansyal o iba pang anyo ng ayuda mula sa pamahalaan.
Madalas gamitin sa mga pekeng mensaheng ito ang pangalan o opisyal na SMS number ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na naglalaman ng mga kahina-hinalang link.
Paalala ng OCD sa publiko na huwag i-click ang anomang link, kahit pa mukhang galing ito sa isang opisyal na pinagmulan.
Ang SMS number ng NDRRMC ay eksklusibong ginagamit lamang para sa pagbibigay ng babala ukol sa sakuna at maagang paalala. Hindi ito ginagamit para sa pamamahagi ng ayuda, cash transfer, o anomang personal na transaksyon.
Ayon sa OCD, sinasamantala ng mga scammer ang matinding emosyon at kagipitan tuwing may sakuna sa pamamagitan ng mga pekeng donation drive, phishing schemes, at mapanlinlang na mensahe na layong nakawin ang personal na impormasyon o pera.
Sa ilang pagkakataon, nagpapanggap pa silang biktima ng bagyo, o kaya mga volunteer o tauhan ng gobyerno gamit ang mga gawa-gawang kwento at ninakaw na larawan upang humingi ng donasyon o sensitibong impormasyon.
Mariing kinokondena ng OCD ang sinomang indibidwal o grupong nagsasamantala sa trahedya at paghihirap ng mga apektadong komunidad para sa pandaraya o masamang layunin. Hinihikayat ng NDRRMC at ng OCD ang lahat na maging mapanuri at mag-ingat.
Siguraduhing suriin muna ang mga link bago ito i-click o ibahagi ang anomang impormasyon. Magtiwala lamang sa mga opisyal na website ng pamahalaan at mga beripikadong platform.
I-report agad ang mga kahina-hinalang mensahe sa inyong telecommunications provider o sa National Telecommunications Commission (NTC) sa pamamagitan ng One Stop Public Assistance Center (OSPAC) sa (02) 8924-4010 o sa email na consumer@ntc.gov.ph.
Maaari ring makipag-ugnayan sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa pamamagitan ng Inter-Agency Response Center (IARC) sa 1326 o mag-ulat online sa report@cicc.gov.ph.
Samantala, para naman sa mga nais humingi ng tulong mula sa pamahalaan, mangyaring dumaan lamang sa opisyal na mga channel ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) o iba pang awtorisadong ahensya. Ang mga opisyal na update, abiso, at anunsyo ay inilalathala lamang sa kanilang beripikadong mga website at social media page, payo pa ng ahensya. (JESSE RUIZ)
115 