(BERNARD TAGUINOD)
PORMAL nang naghain ng resolusyon si Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta para imbestigahan ang umano’y offshore accounts ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Marcoleta na nakakuha na sila ng patunay na may dalawang offshore accounts si Garcia kaya nagpasya na itong ihain ang resolusyon para masimulan na ang imbestigasyon.
“Ako, nakakuha na ako ng initial documents that verified my initial suspicion,” ani Marcoleta sa press conference kahapon.
Ayon sa mambabatas, nakapagdeposito umano ang kanilang mga kontak sa Amerika sa Account No. 1076300010750 sa Scotiabank na nakabase sa Cayman Island at nakapangalan sa isang George Erwin Mojica Garcia na may address sa Legaspi Village, Makati City.
Bukod dito, nakapangalan din umano kay Garcia ang Account No. 40000-012-8562 sa Cayman Island National Bank.
Hindi sinabi ni Marcoleta kung magkano ang laman ng dalawang nabanggit na account subalit napatunayan nitong aktibo ang mga ito matapos madepositohan ng kanilang mga kontak ng US$100 sa Amerika.
Noong June 26, 2024, ibinunyag ni Marcoleta na maraming bank account sa iba’t ibang bansa ang natuklasan nila na nadepositohan ng umano’y mga taong konektado sa Miru System habang may mga nangyayaring transaksyon ang Comelec sa South Korean based company.
Tinataya ni Marcoleta na umaabot sa isang bilyong piso ang umikot na pera sa mga nasabing account subalit nang beripikahin nila ito ay closed accounts na ang mga ito matapos ang kanyang expose.
“Sabi ni George Garcia na Dios ang kanyang saksi na wala siyang offshore account. Palagay nyo dapat ba siyang manatili sa puwesto eh napatunayan natin na meron siyang offshore account?,” tanong pa ni Marcoleta.
Sinabi ng mambabatas na kung hindi kayang ipaliwanag ni Garcia ang umano’y nakumpirmang offshore account nila sa Cayman Island ay dapat na itong mag-resign upang hindi maapektuhan ang integridad ng eleksyon sa susunod na taon.
397
