TINIYAK ng Department of Justice (DOJ) na hindi pa rin ligtas sa warrant of arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang iba pa kaugnay ng tokhang.
Sa Kapihan sa Department Justice sa pangunguna ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, binigyang-diin nito na hands off ang kanyang tanggapan at sa ngayon patuloy nilang pinag-aaralan kung paano tutugunan sakaling magpositibo ang warrant of arrest laban sa mga sangkot na opisyal.
Posibleng swak sa rehas ang mga akusado sa kaso dahil wala silang balak harangin ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
Wala rin sa bokabularyo ng DoJ na pigilan ang anomang hakbang ng International Police (Interpol) na magsagawa ng pag-aresto laban sa dating Pangulo at dating PNP chief Rogelio “Bato” dela Rosa kasama ang iba pang opisyal ng pambansang pulisya.
Paliwanag pa ng kalihim, bagama’t hindi na kasapi ng ICC ang Pilipinas, kabahagi naman ang Phil. government ng Interpol.
Magkakaroon aniya ng problema ang bansa kung pipigilan nito ang pagtupad ng Interpol sa legal nitong obligasyon.
Nilinaw pa ni Remulla, nasa proseso ng pag-aaral ang naturang isyu kung paano sila makatutugon sakaling lumabas ang utos na pag-aresto mula sa International Criminal Court (ICC) na isisilbi naman ng Interpol. (JULIET PACOT)
