AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
LABIS-LABIS na sakit ng damdamin ang nararanasan ng pamilya ng isang OFW sa bansang Saudi Arabia matapos na kanilang malaman na ang kanilanag anak ay namatay na.
Hindi sukat akalain ng pamilya na si OFW Leonora Balalihe ay hahantong sa kamatayan makaraang unang napabalita na ito ay nawawala at tumakas lamang sa kanyang amo.
Ayon sa sumbong ng pamilya, nagtungo na sila sa OWWA upang isumbong ang pagkawala ni OFW Leonora.
Bago pa ang pagkawala ni OFW Leonora ay ilan beses na rin silang nagtungo sa OWWA at POEA upang isumbong ang dinaranas na pagmamaltrato at panghahalay ng kanyang amo.
Ngunit halos limang buwan na ang nakalilipas noong sila ay nagsumbong ay wala man lamang silang nabalitaan mula sa OWWA at POEA.
Kung kaya ay nagulantang na lamang ang kanilang buong pamilya nang tumawag sa telepono ang kinatawan ng ahensya nito na Leadwell International Manpower, upang ibalita sa kanila na natagpuan na ang bangkay ni OFW Leonora.
Si OFW Leonora na nagmula pa sa Negros Occidental ay dumating sa Riyadh, Saudi Arabia noong Disyembre 2021 bilang kasambahay.
Ang pamilya ni OFW Leonora ay dumulog sa ating gobyerno lalo na sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers upang humingi ng tulong para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng isang miyembro ng kanilang kapamilya.
Hinihiling din nila ang mabilis na pagpapauwi sa bangkay nito matapos na maisagawa ang imbestigasyon.
Hinihiling din nila na papanagutin ang ahensya nito na Leadwell International at pati na rin ang foreign recruitment agency nito na Amnahar Recruitment agency na nakabase sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ang pakiusap na ito ng pamilya ni OFW Leonor ay akin nang ipinarating kay Sec. Susan Ople ng Department of Migrant Workers. Nakipag-ugnayan din ang AKO OFW kay Welfare Officer Racquel Kunting upang masiguro na makipag-ugnayan ito sa Assistance to National Unit ng Philippine Embassy.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
