OFW NA HINDI ­PINASUWELDO NANG TAMA TUTULUNGAN NG AKOOFW

ISA na naman nating kababayang Overseas Filipino Worker (OFW) ang nagpapasaklolo sa AKOOFW dahil hindi na nga siya pinasuweldo ng tama ng kaniyang amo ay ipinakulong pa siya nito.

Sa sulat na ating natanggap mula kay Recie Fuentes Papa, 26 anyos na isang OFW mula sa Kuwait, isinalaysay nito ang mapait niyang sinapit sa kaniyang employer na nakilalang si Anwar ­Fadhel Awwad Alhamadani.

Si OFW Recie ay tubong Sta. Cruz, Occidental Mindoro at nakarating siya sa Kuwait sa pamamagitan ng Maryam Mubarak Al-Adwani ­Recruiting Agency.

Ayon sa kaniya, umalis siya sa kaniyang amo dahil siya ay nagkasakit. Sa buong panahon daw na siya ay may karamdaman ay tuloy lang siya sa pagtatrabaho at siya pa mismo ang bumibili ng mga gamot na kaniyang kailangan.

Bukod dito ay lagi raw kulang ang sahod na ­ibinibigay sa kaniya ng kaniyang amo at siya din daw ang bumibili ng kaniyang mga personal needs, pagkain at iba pang kagamitan.

Dapat daw ay sumusuweldo siya ng 120 Kuwaiti Dinar (KD) pero sa tuwing araw daw ng sweldo ay 110 KD lang ang ibinibigay sa kaniya ng kaniyang amo.

Sa ilang taon na pamamalagi niya sa Kuwait ay nagpalipat-lipat na rin daw siya ng pinagtrabahuhang amo. Halos naka-pito na rin daw siya ng pinapasukan base na rin sa abiso at payo sa kaniya ng recruitment agency na nagpapunta sa kaniya doon sa Kuwait.

Sa kaniyang pag-alis sa pinakahuli niyang amo ay agad tumungo siya sa ating embahada. Dalawang buwan na rin daw siyang naghihintay doon hanggang sa ini-endorso daw siya sa mga pulis para pagbayaran ang kaniyang pagtakas o pag-alis sa pinagsisilbihang amo.

Subalit sa halip na 2 hanggang 3 araw sa detensyon ay umabot siya ng 3 linggo sa kulungan at hindi niya alam kung ano na ang kaniyang magiging kinabukasan.

Ang hangad ngayon ni OFW Recie ay makuha ang kaniyang mga naiwang gamit at ang mga sweldo sa mga araw na kaniyang ipinasok sa pinagsilbihang Kuwaiti employer.

Sa ngayon ay nakabalik na siya ng Pilipinas pero gusto pa rin niyang habulin ang mga nawala sa kaniyang oportunidad gayondin ang lahat ng kaniyang pinaghirapan sa matagal din niyang pamamalagi at pagtatrabaho sa Kuwait.

Nakahanda ang AKOOFW na tulungan ang ating kababayan na nagkaroon ng mapait na karanasan sa pagtatrabaho sa ibang bayan.

Makikipag-ugnayan kami sa Philippine Overseas Employment Administration o POEA, sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA at ­maging sa ating embahada doon sa Kuwait.

Sisikapin nating maibigay ang kahilingan ni OFW Recie para naman pumayapa ang kaniyang kalooban sa naging mapait niyang karanasan sa pagtatrabaho ng matagal na panahon sa ibang bansa sa kabila na matagal siyang nalayo sa kaniyang pamilya at mga mahal sa buhay.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail ­address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

212

Related posts

Leave a Comment