OFW JUAN
ISANG overseas Filipino worker (OFW) na naka-deploy sa Riyadh, Saudi Arabia ang humihingi ng agarang tulong upang makauwi sa Pilipinas dahil sa dinaranas na seryosong problemang pangkalusugan.
Si OFW Mercy Montes Salazar, isang Pilipinang manggagawa sa Rabwa-Isa Alkhyat, Riyadh, ay kasalukuyang may dinaramdam na malalang impeksyon sa baga. Ayon sa kanyang salaysay, siya ay halos araw-araw nang nakasuot ng face mask dahil sa hirap ng paghinga, matinding pananakit ng likod, at panghihina ng katawan.
“Gusto ko na pong umuwi. Nahihirapan na po akong huminga, tapos naka-mask pa ako lagi kasi may infection ako sa baga. Masakit din ang likod ko at nanghihina ako. Sana po ay matulungan ninyo ako,” panawagan ni OFW Mercy.
Si OFW Salazar ay ipinadala sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng Job Asia Management Services bilang lokal na ahensya sa Pilipinas, at ng Alamala Almahera Company Recruitment bilang foreign recruitment agency (FRA) sa Riyadh. Sa ngayon, nananatili siya sa kanyang trabaho sa kabila ng lumalalang kalagayan ng kanyang kalusugan.
Ayon sa kanyang mga kapamilya, wala pa raw malinaw na aksyon mula sa kanyang employer o ahensya ukol sa kanyang pagpapagamot o pagbabalik sa Pilipinas. Kaya naman humihingi na sila ng tulong sa mga kinauukulan.
Bilang organisasyong tumatayong boses ng mga OFW sa buong mundo, ang OFW JUAN (OFW1) ay nananawagan sa MWO-OWWA Riyadh, Department of Migrant Workers (DMW) na agarang kumilos upang maipaabot ang tulong medikal at repatriation assistance kay Mercy Salazar. Hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga kasong tulad nito, lalo na’t may kinalaman sa kalusugan at kapakanan ng isang OFW.
Tungkulin ng estado na protektahan ang karapatan at dignidad ng bawat Pilipino sa ibang bansa, at sa pagkakataong ito, isang buhay ang maaaring mailigtas kung magkakaroon ng mabilis at konkretong aksyon.
—
Para sa iba pang nangangailangan ng tulong, maaaring lumapit sa OFW JUAN (OFW1) sa pamamagitan ng pagpapadala ng inyong liham sa email address : drchieumandap@yahoo.com
