AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
IPINARATING sa AKO-OFW ni Municipal Councilor Mao Yabut, ng Tupi, South Cotabato, ang sumbong ng isa niyang kababayan na nasa Abha, Saudi Arabia. Ayon kay Yabut, nagsusumbong si OFW Angela Dalig dahil sa pag-aalipusta at pagmamaltrato sa kanya ng kanyang amo.
Sa impormasyon na ipinasa ni Yabut sa AKO-OFW, si OFW Angela ay nakarating sa Abha, Saudi Arabia noong Setyembre 26, 2019 sa pamamagitan ng CB & T Pro Staff Inc. bilang Household Service Worker (HSW).
Narito ang bahagi ng sumbong ni OFW Angela. “Noong January 16, 2022 finished contract na po ako sa dati kong amo pero hindi ako binilihan ng tiket. Kaya pumayag na lang ako na lumipat sa bagong amo kapalit ng 3,000 Riyal na ibinigay sa akin. Pero hindi ko po akalain na masama pala ang ugali ng aking nalipatan na amo.
“Hindi po katanggap-tanggap ang mga salitang binibitiwan n’ya sa akin katulad ng ‘filipini magi kwish’ na ibig sabihin ay hindi daw ako mabuting Filipino. Malimit din sinasabihan ako ng ‘Mafi mok’ o wala daw akong utak. Sinasabihan din ako palagi ng ‘Fi madjinon’ na ang ibig sabihin ay baliw daw ako.”
“Lagi din sinasabi sa akin ang ‘Kulo mafi shick’ na sa salitang tagalog ay lahat daw ay hindi maganda. Kahit na bagong linis ko ang bahay ay sasabihin pa rin ang ‘Mafi niref ‘ang ibig sabihin ay hindi daw malinis at kung minsan ay ‘Kulo wasaka’ na ang ibig sabihin sa Tagalog ay lahat ay marurumi.”
“Sa loob ng apat na buwan ay halos dalawang beses ko naririnig ‘yan sa araw-araw. At ‘yung anak n’ya ano man ang mahawakan ay ipinapalo agad sa akin. Hirap na hirap po ako dahil ang nililinis ko sa araw-araw ay mula sa ground floor hanggang 4th floor. Simula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi ako nagtatrabaho at talagang wala po akong pahinga.”
Dahil sa nararanasang pag-aalipusta at kalupitan na ito, kung kaya dumulog na sa AKO-OFW si OFW Angela para humingi ng tulong sa kanyang ahensya at OWWA para siya ay masaklolohan at mapauwi na lamang sa lalong madaling panahon.
Ang sumbong na ito ni OFW Angela ay agad nating ipinarating kay OWWA Overseas Operations Director Connie Marquez para sa mabilisang aksyon.
Ang AKO-OFW ay nagpapasalamat kay Councilor Mao Yabut dahil sa patuloy nitong pagmamalasakit sa mga OFW na nagmumula sa South Cotabato. Balita ko nga ay maging ang mga taga-karatig bayan ng Tupi ay dumarayo pa sa kanyang opisina sa Tupi Municipal Hall upang dumulog at humingi ng tulong sa aking kaibigan na si Coun. Yabut.
***
Mamayang alas-5:00 ng hapon ay inyo pong mapapakinggan sa DWDD 1134 KHz AM ang programang UP-UP Pilipinas . Sa programa pong ito namin tinatalakay ang mga suliranin na idinudulog ng mga OFW. Kasama sa programa sina BGen. Gerry Zamudio, Bhong David, Fe Nicodemus at Director Sherelyn Malonzo ng OWWA. Sabayan din itong napapanood sa Facebook page na AFP RADIO DWDD at AKO OFW Inc.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
211
