SUNUD-SUNOD na sumbong mula sa mga OFW ang ating natanggap nitong linggo.
Kabilang dito ang sumbong na ipinarating ni Norhata Bidul, sa pamamagitan ng volunteer advocate na si Zean.
Ayon kay Norhata, duma-ting siya sa Riyadh, Saudi Arabia upang magtrabaho bilang kasambahay.
Hindi siya naging mapalad sa kanyang una at ikalawang amo, kaya siya ay inilipat sa ikatlong employer.
Halos wala siyang natanggap na suweldo mula sa kanyang mga naging amo.
Sa unang amo, tatlong buwan siyang hindi pinasuwedo, samantalang sa ikalawang amo ay siyam na buwang hindi siya sumahod.
Sa kanyang ikalawang amo ay nakiusap na lamang siyang pauuwiin sa Pilipinas, tutal hindi na siya kayang pasuwelduhin.
Pumayag naman umano ang kanyang amo, kaya dahil sa kanyang “excitement” ay namili agad siya ng mga pasalubong na tsokolate at ng kanyang maleta.
Ngunit, imbes na sa airport siya dalhin ay dinala siya ng ikalawang amo sa bagong employer na siyang ikatlong amo.
At saka lamang siya sinabihan na hindi siya makauuwi sa Pilipinas, bagkus ay magtatrabaho na lamang sa kaibigan nito.
Samang-sama ang kalooban ni Norhata dahil sa ginawa ng kanyang employer at kung kaya siya ay labis na nakiusap sa lahat ng kanyang kakilala na siya ay matulungang makauwi agad sa Pilipinas.
Ang sumbong ni Norhata ay nagtrending sa mga group chat dahil umano ay “pinagsamantalahan siya ng may-ari ng kanyang ahensya”.
Katunayan, nagpadala pa siya ng kanyang video message na nagsasabi ng kanyang naranasan.
Agad kong ipinakiusap sa overseas operations division ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang masiguro ang kaligtasan ni Norhata at siya ay mailigtas sa umano’y mapang-abusong employer.
Ngunit, matapos na makipag-ugnayan kay Norhata ang OWWA welfare officer ay inamin nito na ang kanyang sumbong na ginahasa, o gina-law, siya ng kanyang ikatlong amo ay pawang gawa-gawa lamang upang mapansin ang kanyang sumbong at agad siyang masaklolohan.
Bagaman nauunawaan natin ang kanyang masidhing panawagan, hindi naman nararapat na gawing biro ang pagsusumbong na “ginahasa” ng employer.
Gayunpaman, ang OWWA ay nakipag-ugnayan sa kanyang ahensya sa Saudi at siniguro na mapauuwi sa Pilipinas si Norhata, sa lalong madaling panahon.
Sa kasalukuyan, pinapangalagaan siya ng kanyang ahensya dahil sa kakulangan ng matitirhan sa shelter ng OWWA.
175 