AKO OFW ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
DUMULOG sa tanggapan ng AKO-OFW-SAKSI ang overseas Filipino worker na si Erma Duarte.
Ito’y upang humingi ng tulong para makauwi na lamang ng Pilipinas.
Sa ipinadalang impormasyon ni Erma, siya ay nagtatrabaho bilang domestic helper o kasambahay sa Saudi Arabia.
Umalis siya ng Pilipinas noong September 23 at dumating sa Saudi sa kanyang agency noong September 24.
Hiling ni Erma na makauwi na lamang ng Pilipinas dahil naiipit siya sa kanyang tinutuluyan ngayon, aniya hindi niya kasi maisip kung ano ang dahilan ng kanyang amo at bakit bigla na lamang siya nitong pinag-impake at pinaalis.
Nang tanungin ni Erma ang anak ng kanyang amo dahil hindi nakakaintindi ng english ang kanyang employer ay din rin siya sinagot at pinalayas na lang bigla.
Bago pa man makaalis ay pinahubad pa sa harapan nila si Erma at doon din pinagbihis na ikinalumo niya.
Ngayon ay kasalukuyan siyang nasa agency niya at nagpapasaklolo na makauwi na lamang sa Pilipinas sa lalong madaling panahon dahil isang buwan na siya sa accommodation at gusto na lamang niyang makasama ang kanyang pamilya.
Agad naman na umaksyon ang AKO-OFW-SAKSI at agad na ipinalam kay Atty. She Alonzo ng OWWA ang kahilingan nito para na rin sa agarang tulong.
Kung ikaw ay OFW o kapamilya ng OFW na nais magparating ng sumbong o paghingi ng tulong, huwag mag-atubili na lumiham sa amin at ipadala sa aming email address na: akoofwpartylist@yahoo.com o kaya sa saksi.ngayon@gmail.com.
