“AYUDA”

KAPE AT BRANDY ni SONNY MALLARI

SUMAKABILANG-BUHAY na ang aking kaibigan na si Fr, Pedro “Pete” Montallana. Isang Franciscanong pari na itinuturing kong gabay sa lubusan kong pag-unawa sa bulubundukin ng Sierra Madre sa kahabaan ng Luzon.

Siya rin ang nagmulat sa akin sa pamumuhay at patuloy na pakikibaka ng mga katutubong Agta-Remontado-Dumagat para mabigyang proteksyon ang kanilang lupaing ninuno sa hilagang bahagi ng lalawigan ng Quezon laban sa pangwawasak ng mga magtotroso at mapanirang proyekto ng pamahalaan.

Ang pagkamatay ng 75-taong-gulang na pari ay iniulat ni Bishop Bernardino Cortez nitong Lunes sa isang post sa Facebook page ng Prelatura ng Infanta. Ayon sa obispo, ang kaibigan ko ay namatay sanhi ng komplikasyon sa sakit.

“Fr. Pete has lived his life dedicated to the Charism of St. Francis serving the Indigenous People of the Prelature since 1993 and was officially incardinated in 2022,” ang pahayag ng obispo bilang pagkilala sa naging kadakilaan ng matapat na pagtulong at pakikiisa ni Fr. Pete sa mga katutubo ng Sierra Madre.

Ang kanyang labi ay nakahimlay sa Santo Niño Chapel sa St. Mark Cathedral sa bayan ng Infanta, Quezon.

Si Fr. Pete ang nagbuo at pangulo ng Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA) na nasa unahang hanay laban sa pagtatayo ng kontrobersyal na proyektong Kaliwa Dam na magpapalubog sa tinatayang mahigit na 9,700 ektaryang bahagi ng Sierra Madre, sakop ng lalawigan ng Quezon at Rizal, at magtataboy sa maraming pamilyang katutubo mula sa kanilang likas na tirahan.

Para kay Fr. Pete, ang malawak na Sierra Madre sa kahabaan ng Luzon ay isang banal na katedral na nagsilbing lugar-daluyan ng kanyang pakikipag-ugnayan sa Panginoong Diyos sa layunin niyang mapangalagaan ang Inang Kalikasan.

Natitiyak kong sa kanyang paglisan ay lalo pang magbubuklod ang nalalabi pang paksyon ng mga katutubo upang ipagpatuloy at mas lalong paigtingin ang mahigpit nilang pagtutol sa dam project.

Magpahinga ka na, Fr. Pete. Batid kong patuloy ka pa ring magbabantay sa Sierra Madre at gagabay sa mga katutubo sa kanilang pakikibaka para sa katarungan.

##########

Sa isinagawang survey ng OCTA Research nitong bago matapos ang 2024, lumabas na nasa 13.2 milyong pamilyang Pinoy ang kabilang sa maralitang sektor. Natitiyak kong mas mataas pa ang bilang ng mga mahihirap na pamilya kumpara sa datos na nakalap sa survey.

Ang hindi ko lang maintindihan, sa dami ng mga programang “ayuda” ng pamahalaang nasyunal, bakit marami ang nahihirapan na makabilang sa listahan ng mga benepisyaryo? Dahil wala silang padrinong politiko. Taliwas ito sa pahayag ng pinuno ng DSWD na walang pakialam ang mga politiko sa distribusyon ng ayuda.

Sus! Bakit nasa disposisyon ng mga senador at kongresista ang pondo ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP)? Ano kaya ang balak nila. Alam na.

May kilala akong mag-asawang matanda na lumapit sa lokal na opisina ng DSWD para sa ayudang medical – pambayad sa doctor, eksaminasyon at pambili ng gamot sa taunang tsek-up na gagawin para mapangalagaan ang kanilang kalusugan sa kabila ng kahirapan sa buhay.

Nagsumite sila ng mga kailangang dokumento. Ang sagot – wala raw pondo. Tumawag na lang sa telepono para magtanong kung meron na. Ginawa nila ito pero walang sumasagot sa telepono. Nangutang na lang sila sa 5/6 para gastusin sa pagpapagamot.

Sa katopakan ko nga ay bumuo ako ng ilang talata na pinamagatan kong “AYUDA”.

“Pera mo’t pera ko; ninakaw ni Pilato; kinuha ang madami;

nag-iwan ng konti; inilagay sa supot; kasabay ng trumpeta; ibinigay sa atin; tulong daw niya; sa kahirapan natin”.

“Maraming salamat po!”

PAK! (tunog ng sapok). TANGA! Dinugasan ka na. Nagpasalamat ka pa.”

##########

Nabasa ko lang ito sa Facebook pero makabuluhan ang mensahe.

Noong nasa elementarya pa tayo, isang mahalagang kaganapan ang paghahalal ng “class officers” sa bawat klase. Sikat ang sinomang iboboto dahil nakasulat ang mga pangalan sa kartolina at ipapaskil sa dingding ng silid-aralan.

Siyempre, ‘pag maganda, agad na hihiranging “muse” at kapag guapo, itatalagang “escort”. ‘Yung pinakamahusay sa Math, karaniwan ay pinipiling “treasurer” at ‘yung astang siga o brusko, “sergeant-at-arms” naman ang posisyon.

Ang isa sa mga matalino sa klase ay hihiranging “vice president” at ‘yung pinaka-matalino ay “president” na maipagmamalaki sa ibang klase

Isang masayang proseso. Tawanan. Asaran sa gitna ng pamimili. Pero sa kabila ng pagkainosente bilang musmos ay nagagawa nilang pumili nang wasto – tamang tao sa tamang posisyon at responsibilidad na haharapin.

Lahat tayo ay may kanya-kanyang masayang ala-ala sa yugtong ito ng ating buhay. At kahit ngayon, ganito rin ang nagaganap na pagpili sa mga opisyales ng bawat klase saan mang paaralan, pribado man o publiko.

Pero bakit kung kailan tayo tumanda, kabaligtaran na ang nangyayari. ‘Yung magnanakaw, sinungaling, kriminal at kulang sa pinag-aralan ang ating ibinoboto tuwing eleksyon at iniluluklok sa posisyon sa gobyerno?

Masakit mang aminin, marunong pang pumili ng lider ang mga musmos na estudyante kumpara sa maraming botanteng Pilipino ngayon.

Nakalulungkot at nakagagalit.

42

Related posts

Leave a Comment