OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
MAHIGIT dalawang buwan nang nasa loob ng isang deportation center sa Jazan, Saudi Arabia ang OFW na si Jinalyn Agas, 39-anyos, isang simpleng Pilipinang nangarap lamang ng mas magandang buhay para sa kanyang pamilya. Ngunit sa halip na katuparan ng pangarap, pangamba at paghihirap ang kanyang sinapit.
Dumating si Jinalyn sa Saudi Arabia noong Nobyembre 17, 2023 bilang domestic worker. Dahil single at nasa tamang edad, determinasyon lamang ang baon niya upang makapagpadala ng pangsuporta sa pamilya sa Camarines Sur. Ngunit hindi niya inasahan na mauuwi sa ganitong sitwasyon—malayo sa pamilya, walang malinaw na paliwanag, at bawat araw ay puno ng pag-aalala.
Sumbong ni OFW Jinalyn, sa loob ng deportation center ay kulang siya sa maayos na tulog, at limitado ang komunikasyon. Ang mga araw ay unti-unting naging linggo, at ngayon ay umabot na sa buwan ang paghihintay. Ang tanong niya araw-araw: “Kailan ako makauuwi?”
Sa Pilipinas, halos hindi makakain sa kaba ang partner niya na si Analiza Paladan Mesia. Hindi nito napipigilang maiyak tuwing binabanggit ang sitwasyon ni Jinalyn.
“Isang buwan na siyang hindi mapakali, lagi siyang humihingi ng tulong. Sana po matulungan siya… gusto lang po namin siyang makauwi nang ligtas,” pahayag ni Analiza habang nanginginig ang boses.
Sa pinakahuling mensahe mula kay OFW Jinalyn ay sinabi nito na “Nasa deportation center po ako mula pa ng September 25 hanggang ngayon. Sana po matulungan ako.”
Sa likod ng mga salitang ito, ramdam ang pagod, takot, pagkabahala, at matinding lungkot ng isang OFW na ilang libong kilometro ang layo sa sariling bansa—at walang kasiguraduhan sa kinabukasan.
Ang OFW JUAN ay agad na nakipag-ugnayan kay Atty. Sherely Malonzo ng OWWA, at kay Director Charles Tabbu ng Department of Migrant Workers, na kapwa nangako ng mabilisang pagtulong para sa agarang pagpapauwi kay OFW Jinalyn.
17
