OFW SA QATAR, LAPNOS ANG BUONG KATAWAN PERO AYAW TULUNGAN NG AHENSYA?

NANLUMO ako nung aking makita ang mga pinadalang larawan ng isang OFW mula sa Qatar na nalapnos ang buong katawan dahil sa aksidenteng pagsabog ng LPG habang sya ay nagluluto sa bahay ng kanyang employer.

Ayon sa liham ni Hairon ­Mangelen Tampipi, habang siya ay nasa kusina para maghanda ng pagkain ng kanyang employer ay biglang sumabog ang gas stove.

Mabilis naman siyang naipadala sa Al Waqra Hospital. Matapos na maging mabuti ang kanyang pakiramdam, noong Hulyo 6, 2020 ay agad naman siyang pinauwi sa Pilipinas ng kanyang employer.

At dahil sobrang naapektuhan ang kanyang halos buong katawan sanhi ng pagkakalapnos nito, siya ay nangangailangan ng patuloy na pagpapagamot.

Lumapit siya sa kanyang ahensya na  JSL Placement Services, ngunit hindi man lang siya nabigyan ng ayuda at katwiran pa ng kanyang ahensya na sarado ang kanilang opisina dahil sa pandemya.

Simula ng dumating sa Pilipinas si OFW Tampipi ay hindi man lang siya nagawang bisitahin at kamustahin ng kanyang ahensya, kung kaya ganun na lamang ang sama ng loob ni OFW Tampipi sa kanyang ahensya.

Bagaman nauunawaan ko ang sitwasyon na kinakaharap ng mga ahensya dahil sa pagtigil ng kanilang operasyon sa pagpapadala ng mga mangagawa sa ibang bansa, ngunit hindi naman dapat ikatuwiran ng ahensya na hindi sila maaring makatulong sa kanilang mangagawa ng dahil lamang sa pandemya.

Halos inako na nga ng ating gobyerno lalo ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Overseas Workers Welfare A­dministration (OWWA) ang kanilang obligasyon para sa pagpapauwi sa Pilipinas at pangangalaga ng kanilang mga mangagawa, pero hindi naman dapat na mistulang nagkukuyakoy at nag-aantay na lamang sila ng pagbubukas ng kanilang negosyo sa pag-deploy sa ibang bansa habang ang kanilang mga tauhan ay nasasaktan.

Hindi lamang ang OWWA ang may obligasyon para pangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga OFW, dahil pangunahin din itong tungkulin ng ahensya na tulungan ang kanilang mga mangagawang ipinadala sa ibang bansa.

Dapat na tulungan ng JSL Placement Services si OFW Tampipi na makakuha ng kanyang benepisyo mula sa mandatory insurance coverage.

At sa panig naman ng OWWA ay aking ­pinayuhan si OFW Tampipi na magtungo sa pinakamalapit na OWWA Regional office upang kanyang makuha ang OWWA Medical Benefits.

Ang OWWA Medical benefits ay kasama sa benepisyo ng mga aktibong miyembro. Nakapaloob dito ang pagkakaloob ng halagang aabot sa P100,000 para sa kapansanan na dulot aksidente na katulad ng nangyari kaya OFW Tampipi.

Ang kailangan lamang gawin ay magtungo sa OWWA Regional Office at isumite ang Medical Certificate at iba pang mga resulta ng mga ginawang medical ­examination mula sa ospital sa ibang bansa.

Matapos na maipasa ang mga dokumento ay sasailalim naman ito sa medical evaluation ng kinatawan ng OWWA medical services at matapos ng ilang lingo ay makakatangap na ito ng tseke mula sa OWWA.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail addresses na saksi.ngayon@gmail.com o ­drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
250

Related posts

Leave a Comment