AKO AT OFW NI MIGO UMANDAP
DUMULOG si Tarlac City Mayor Christy Angeles sa AKO OFW sa Saksi Ngayon, upang idulog ang karaingan ng isang overseas Filipino worker (OFW) na si Olivia Rivera na nakipagsapalaran sa Saudi Arabia.
Sa kwentong ibinahagi ni Olivia kay Mayor Angeles, siya umano’y sinasaktan ng anak ng kanyang employer na pinagtatrabahuan.
Ilang beses na nangyari nang siya’y sabunutan, sipain at may pagkakataon pang sinusuntok siya sa maseselang bahagi ng kanyang katawan.
Minsan pa raw ay siya ang sinisisi kapag mayroong nasisirang gamit kahit hindi naman niya ito kasalanan.
Bilang isang dating OFW, ako ay nalulungkot sa sinasapit ng ating kababayan dahil walang sinoman ang dapat na makaranas ng ganitong pang-aabuso.
Nabalitaan ko rin ang plano niyang saktan ang kanyang sarili dahil sa depression.
Bukod kasi sa may iniinda na siya sa kanyang katawan lalo na sa dibdib dahil sa pananakit ng kanyang amo, ay hindi na rin siya makapag-isip nang maayos.
Kasunod nito, agad na tumugon ang AKO OFW sa SAKSI Ngayon at agad na ipinaalam kay Atty. She Alonzo ng OWWA, ang sitwasyon ni Olivia para na rin sa agarang tulong.
