OFWs ‘GINAGATASAN’ NG PHILHEALTH – DEFENSOR

IMBES na ilibre, tila pinagkakakitaan ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa tuwing nagre-remit ang mga ito ng kanilang kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ito ang natuklasan ng House committee on public account na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa pag-iimbestiga sa katiwalian sa PhilHealth.

Base sa nasabing pagdinig, lahat ng mga OFW na regular na nagpapadala ng kanilang kontribusyon ay kailangang magbayad ng remittance fees na iba’t iba ang halaga depende kung saang bansa
nagtatrabaho ang mga ito.

Ayon kay House deputy speaker Dan Fernandez, hindi makatarungan na nagbabayad pa ng extra fee ang mga OFW bukod sa P2,400 na kanilang kontribusyon sa insurance sa Pilipinas.

Habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang komite ni Defensor, panay ang pasok ng mga text message ng OFWs mula sa iba’t ibang bansa na inirereklamo ang napakataas na remittance fees.

Samantala, bagama’t hindi pa ipinatutupad ang Universal Health Care (UHC) law, gumawa na ng panukala si Defensor para amyendahan ito para sa kapakanan ng OFWs. (BERNARD TAGUINOD)

147

Related posts

Leave a Comment