OFWs HUWAG KALADKARIN SA AWAY- PULITIKA – SOLON

UMAPELA ang isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa gobyerno at oposisyon na huwag kaladkarin at idamay ang overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang away-pulitika.

Ginawa ni Rep. Marissa Magsino ang panawagan sa gitna ng pahayag ng supporters ng pamilyang Duterte na ititigil nila ang pagre-remit ng kanilang sweldo sa loob ng limang araw o mula sa Marso 28 hanggang Abril 1.

Agad naman nagbabala si Presidential legal counsel Juan Ponce Enrile na may kapangyarihan ang Kongreso na bawiin ang pribilehiyo ng mga OFW tulad ng zero-tax remittance, libreng travel tax, airport fees at iba pa.

“Nananawagan ako sa pamahalaan at sa oposisyon na huwag gawing bahagi ng alitan sa pulitika ang ating mga migranteng manggagawa,” ani Magsino.

Nagsimula ang planong ito mula sa mga OFW na nakabase sa Croatia na sumusuporta kay dating pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakakulong sa nasabing bansa dahil sa kinakaharap na kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

“Walang kulay ang kanilang pagsusumikap at iisang lahi lang ang kanilang tangan sa ibang bansa. Bilang mga Pilipino, malaki na ang ambag nila sa ating bansa at lipunan. Kaya’t aking pakiusap na huwag tayong mangunang idamay sila sa mga isyung pampulitika at kultura ng pagtutunggalian,” dagdag pa nito.

Walang Malasakit Sa Pinoy sa US?

Samantala, walang nakikita ang militanteng grupo na malasakit ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa daan-daang libong Pilipino sa Amerika na nahaharap sa mass deportation.

Ayon kay dating congresswoman Sarah Elago, mula nang ideklara ng Trump administration noong Enero na pauuwiin lahat ng mga illegal migrant ay hindi pa rin ito pinaghahandaan ng gobyerno ni Marcos.

“Habang nanganganib ang buhay at kabuhayan ng libu-libong kababayan natin sa Amerika, ang administrasyong Marcos ay walang malinaw na plano para protektahan sila. Imbes na maghanda ng tulong, ipinapayo na lang na kusang umalis na lang sila. Ito ba ang tunay na malasakit para sa ating mga kababayan?” ani Elago.

Ginawa ng dating mambabatas ang pahayag matapos aminin ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na marami nang undocumented Filipinos ang nahuli at nakakulong ngayon sa Amerika.

Inaasahan na anomang araw ay ide-deport ang mga ito sa Pilipinas dahil seryoso ang Trump administration sa kanilang kampanya laban sa mga undocumented immigrant sa 50 estado ng Amerika.

(PRIMITIVO MAKILING)

31

Related posts

Leave a Comment