NABIGLA ang buong mundo sa ginawang aksyon ng Amerika sa kanilang pag-alis sa bansang Afghanistan. Mistulang tinanggap ng Amerika ang kanilang pagkatalo sa giyera laban sa mga rebeldeng Taliban na katulad din ng kanilang pagkatalo sa bansang Vietnam.
Bagama’t malayo ang Afghanistan sa ating bansa ay todo tutok din naman tayo sa mga kaganapan doon dahil sa mga balita na lumalabas na mayroon palang halos 173 OFWs sa nasabing bansa. Karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa hotel at nakatira sa mga accommodation compound ng kanilang mga employer.
Ang bansang Afghanistan ay kabilang sa mga bansa na may deployment ban kung kaya nakapagtataka na mayroong mga OFW na nakapasok doon.
Maaaring hindi ngayon ang tamang araw para ito ay imbestigahan dahil ang pangunahing dapat bigyan ng pansin ay kung paano maiuuwi at mabilis na masasaklolohan ang lahat ng mga OFW na naiipit ngayon sa kaguluhan sa nasabing bansa.
Nitong Linggo, itinaas ng Pilipinas sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Afghanistan, na nangangahulugan ng mandatory repatriation ng mga Pinoy roon.
Kasabay nito ay nanawagan ang nasabing mga OFW sa ating gobyerno na sila ay matulungan na mailikas habang may panahon pa at hindi pa nagsisimula ang inaasahang karahasan laban sa mga rebeldeng Taliban at ang mga supporter ng exiled government.
Sa latest update, ang 30 OFWs na nakatakas sa nasabing bansa at tinulungan ng Department of Foreign Affairs sa Doha, Qatar, ay dumating na sa Pilipinas kahapon.
Bukod sa mga ito, isinasagawa pa rin ng DFA ang panibagong evacuation para sa susunod na batch na 78 OFWs.
Tinitiyak ng Department of Foreign Affairs na may nakalatag itong contingency plan upang masiguro ang kaligtasan ng mga OFW na nasa bansang Afghanistan.
Sa hanay naman ng Overseas Workers Welfare Administration, personal kong kinausap si Administrator Hans Cacdac at tiniyak niyang ang ating OWWA ay magbibigay na kinakailangang suporta para sa mabilisang pagpapauwi ng mga manggagawang apektado ng kaguluhan sa Afghanistan. Bukod pa rito ang kasiguruhan na sila ay mabibigyan ng ayuda sa oras na sila ay makauwi na sa ating bansa.
Maging aral sana ang sitwasyon na ito sa ating mga OFW na huwag magtungo sa mga bansa na kabilang sa mga may deployment ban o restriction. Ang paglalagay ng travel restriction, kabilang sa bansang Iraq, ay upang masigurong walang OFW ang mapapahamak dahil base ito sa intelligence report na natatanggap ng DFA.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
186 