Ogie Diaz kay Camille Villar: AYUSIN ANG SERBISYO NG PRIMEWATER!

SA halip na mangako ng pabahay sa bawat pamilyang Pilipino, dapat unahin ni Las Pinas Rep. at senatorial candidate Camille Villar na ayusin ng serbisyo ng PrimeWater na pag-aari ng kanyang pamilya, ayon sa entertainment reporter at talent manager na si Ogie Diaz.

“Wag ka na po mangako ng pabahay para sa bawat pamilyang Pilipino. Baka pwedeng tulungan mo na lang ang mga kababayan mong magkaroon ng sapat at tuloy-tuloy na tubig mula sa Primewater na pag-aari din naman ninyo. Kawawa ang mga customers nyo po. Bigla tuloy nagkaroon ng Project Uhaw bilang pangtapal sa kahinaan at kamahalan ng singil ng Primewater,” sabi ni Diaz sa kanyang Facebook post.

Giit ni Diaz, nakalulungkot na kahit pangunahing pangangailangan ang tubig, wala pa ring aksyon ang kumpanya ni Villar sa reklamo ng mga customer ng PrimeWater sa iba’t ibang parte ng bansa.

“Basic need ang tubig, pero wala pa ding aksyon ang pahirap na pagkuha ng tubig mula sa aandap-andap na mga gripo ng mga kababayan nyo. Juice ko, kahit nga sa Tagaytay, grabeng jakpatan din kung may tulo o wala. Ang mahal na nga ng singil, ang dalang pa ng tulo,” wika pa ni Diaz.

Ayon pa sa talent manager at social media personality, nanganganib ang kandidatura ni Villar dahil marami nang Pilipino ang nagpasyang hindi siya iboboto dahil sa kawalang aksyon nito sa isyu ng PrimeWater.

“May panahon pa para i-address nyo accordingly ang isyu. Again, hindi kailangan mangako ng pabahay. Tubig po. Tubig na ang kumpanya nyo po ang nangangasiwa ang dapat nyong pakiusapan para ipanalo kayo,” ani Diaz.

Bago ito, umani ng batikos si Villar sa mga customer ng PrimeWater. Anila, dapat munang tugunan ni Villar ang mga problema sa PrimeWater—gaya ng kakulangan sa suplay ng tubig, madalas na pagkaantala ng serbisyo, at mahinang tugon sa mga reklamo—bago mangakong pagagandahin ang buhay ng mga Pilipino.

“Eto namang si Camille Villar: Aayusin daw ang buhay ng mga Pilipino. Teh, ayusin mo muna PrimeWater. Kaloka,” ayon sa isang post ni Nash Nacion sa X, na tumutukoy sa plataporma ni Villar.

Nagresulta ang post ni Nacion sa kabi-kabilang reklamo mula sa mga customer ng PrimeWater sa Tarlac, Camarines Norte, Cavite, Laguna, at Bulacan, na umalma sa kabiguan ng kumpanyang bigyan sila ng maayos at malinis na suplay ng tubig.

12

Related posts

Leave a Comment