INIIMBESTIGAHAN ng Philippine Coast Guard ang posibilidad ng oil spill sa bahagi ng dagat na pinaglubugan ng ill-fated MV Trisha Kerstin 3 habang nagpapatuloy ang masusing beripikasyon sa kabuuang bilang ng mga sakay ng lumubog na ferry.
Ito ay kasunod ng paglalabas ng Sulu Disaster Risk Reduction and Management Office ng online list ng “suspected missing persons” na umaabot umano sa 49 katao na mas mataas sa unang bilang na inilabas ng PCG.
Patuloy ang search, rescue, at retrieval operations sa mga nawawalang pasahero sa katubigan ng Baluk-Baluk Island, Basilan. Nakatakda ring maglabas ang PCG ng updated figures kaugnay ng bilang ng mga nakaligtas, nasawi, at patuloy na hinahanap.
Aminado ang PCG na kailangan ng karagdagang imbestigasyon matapos hindi magtugma ang naunang ulat na 10 ang nawawala, ngunit 11 labi ang narekober noong Enero 29.
Ayon kay PCG Spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, kasalukuyang dumaraan sa retrieval at identification process ang mga labi sa pangunguna ng Basilan PDRRMO upang maipagbigay-alam sa mga pamilya.
Kabilang sa mga huling nakilalang nasawi sina Nalda Muksan, Nursalyn Muammil, Dayam Awaluddin, Harlene Asgali, Harija Hadjirul, Nurdaya Tawasil, Dina Ambutong, Anisa Mahsom, at Mussah Sala.
(JESSE RUIZ)
10
