LAKING pasalamat pa rin ng RedBank Foundation Inc, samahan ng mga pribadong indibidwal na naglalayong magligtas ng buhay, sa lahat nang dumalo sa ginanap na blood letting activity sa National Press Club na pinangunahan ng Pasay City Host Lions Club kung saan isa sa mga miyembro ang inyong lingkod.
Okay ang ginawang blood letting activity na may titulong “Dugo Mo, Buhay Ko” ng PCHLC sa pangunguna ng presidente nitong si Lydia Bueno at sinamahan ng Red Bank Foundation Inc at Rotary Club of Raha Sulayman kasama ang Raha Volunteers and Medics at Fe Del Mundo Medical Center. Malaki ang pagnanais ng Pasay City Host Lions Club at RedBank Foundation Inc na makapagligtas ng buhay.
Okay na okay din ang Manila Police District (MPD) sa pangunguna ni District Director P/BGen. Bernabe Balba na nagpadala ng mga volunteer warm bodies na nagpakuha ng dugo sa pagnanais na makatulong sa mga nangangailan nito.
Nakakatuwang positibo ang pananaw ng mga pulis na kusang loob na dumalo sa blood letting at sila mismo ang nagsabi na kailangan nila ito sapagkat malaki ang tulong nang pagbibigay ng dugo sa kanilang pagmamantine ng kanilang body mass index (BMI).
Super okay din na sinamahan ng PCHLC ang kanilang blood letting ng medical mission at feeding program na nagbigay ng sobrang kasiyahan sa mga bata at matatandang residente ng barangay na pinamumunuan ni Chairman Manny Nieto ng District 5 ng Maynila.
Pinakaokay ay naging maayos ang medical mission dahil sa tulong ng MPD-Crime Laboratory na pinangunahan ni P/Major Dra. Mez Probadora, P/Major Liz Ann Sucgang at P/Major Liza Ang.
Naging masaya naman ang feeding program dahil na rin sa tulong ng Pateros Realtors Board Inc at Tropang Lagalag ni Chicky Bascuguin at ng sports editor ng SAKSI na si Ethel Genuino.
Okray lang na kokonti ang nakuhang dugo na nangangahulugang kokonti rin ang maililigtas na buhay dahil na rin sa sobrang higpit ng screening ng bleeders ng Fe Del Mundo na sa totoo naman ay tamang proseso ang sinusunod upang makaiwas rin sa posibleng disgrasya sa panig naman ng volunteer donor. Pero ang pinakaokray ay ang pagbabawal ng opisyal ng National Capital Region Police Office sa mga tauhan nito na magdonate ng dugo o makiisa sa blood letting activity sa hindi malamang dahilan. Dapat batid ng opisyal na ito na kailangang kailangan ng mga pulis na magmantine ng kanilang BMI.
Mahirap kasi sa opisyal na ito, dahil obese 3 siya, ay nais niyang ang iba ay maging obese rin. Maiisip lang ng opisyal na ito ang kahalagahan nang pagbibigay ng dugo kapag siya mismo ay nangailangan.
Kahit may pera at wala kang pakisama, tiyak na mahihirapan ka sa pagkuha ng dugo lalo’t may panahong marami ang nangangailangan.
