KINAKASANGKAPAN umano ni dating House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez ang Office of the Ombudsman para sa political retaliation at ilihis ang atensyon ng publiko sa impeachment case na isinampa laban sa kanilang kaalyadong si Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio.
Resbak ito ni House majority leader Manuel Jose Dalipe matapos magsampa ang grupo ni Alvarez ng petisyon sa Ombudsman para suspindihin siya, kasama sina House Speaker Martin Romualdez, dating House appropriations chairman Elizaldy Co at senior vice chairperson ng komite na si Marikina representative Stella Quimbo.
Ayon kay Dalipe, kilala ang grupo ni Alvarez, kasama sina Atty. Ferdie Topacio, Atty. Jimmy Bondoc, Diego Magpantay ng Citizen’s Crime Watch at Virgilio Garcia, bilang mga political ally ng mga Duterte kaya hindi na sila nagtaka na taktika umano ito ng mga nabanggit para ilihis ang isyu sa impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
“This is a desperate attempt to weaponize the Ombudsman for political retaliation because the House remains steadfast in upholding transparency and accountability, regardless of political affiliations,” punto ng House majority leader.
Batay sa motion for preventive suspension na hinain nina Alvarez nitong Miyerkules, Pebrero 19, nais nilang pasuspindi sina Romualdez, Dalipe, Co, Quimbo at mga miyembro ng technical working group ng Bicameral Conference Committee sa 2025 General Appropriations Bill (GAB) habang iniimbestigahan sa kasong falsification of legislative documents at graft and corruption na isinampa noong Pebrero 10, 2025.
May kaugnayan ang kaso sa 12 blank item sa bicam report sa pambansang pondo na niratipikahan ng Kamara subalit pinunan ito pagdating sa enrolled bill at ₱241bilyon na isiningit umano ng kapulungan.
“Malinaw ang taktika nila: mag-file ng mga kaso para may balitang pantakip sa mga isyung hinaharap ng mga Duterte. Kahit walang kuwentang kaso, isasampa sa korte para ilihis ang isyu at palabasin na masama ang mga House Members na nag-impeach sa Vice President,” dagdag pa ng mambabatas mula sa Zamboanga.
Umaasa si Dalipe na hindi magpapagamit ang Ombudsman sa ‘political games’ ng mga kaalyado ng mga Duterte na desperado na umanong matapos ipa-impeach ng 215 Congressmen dahil sa paglustay sa kaban ng bayan, pagbabanta sa buhay ng nina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Romualdez, hindi maipaliwanag na paglobo ng kanilang kayamanan, secret banks accounts at iba pa. (PRIMITIVO MAKILING)
