SA gitna ng mga pangamba kaugnay ng bagong sibol na COVID-19 Omicron variant, naglabas ng paunang resulta ng mga pag-aaral ang mga eksperto. Anila, totoong mas nakahahawa ang Omicron variant pero hindi kasing tindi ang epekto sa mga taong tatamaan nito.
Ayon sa tanyag na infectious disease expert na si Dr. Anthony Fauci ng Estados Unidos, may mga indikasyong mas mataas ang “transmissibility” ng Omicron variant. Gayunpaman aniya, hindi naman umano kasing tindi ang dalang peligro ng bagong tuklas na mutated strain ng virus na mabilis na kumakalat sa iba’t ibang bansa.
Gayunpaman, nilinaw ni Fauci na patuloy pa rin ang kanilang ginagawang pag-aaral sa Omicron variant.
Sa Estados Unidos, bagamat marami aniya ang kumpirmadong tinamaan, kaunti lamang umano ang kinailangang i-admit sa mga pagamutan.
Sa bansang Pilipinas, piniling maghigpit ng pamahalaan sa mga pumapasok na biyahero bilang pag-iingat sa posibleng idulot ng Omicron. Nagpatupad na rin ng travel ban sa mga bansang nagtala ng mga kumpirmadong kaso ng naturang COVID-19 variant, kasabay ng puspusang pagbabakuna sa iba’t ibang panig ng bansa. (RENE CRISOSTOMO)
