NANINDIGAN ang One Filipino Worldwide (OFW) Party-list sa anomang panukalang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sanhi ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo ang produktong petrolyo.
Ayon kay OFW Party-list 2nd Nominee Jerenato Alfante, hindi biro ang presyo ng mga bilihin sa kasalukuyan lalo na’t lubhang apektado ang lahat ng sektor.
Tinukoy ni Alfante na bilang bahagi o galing siya sa economic zone ay aminado siyang kaya namang taasan o dagdagan ang sahod ng bawat manggagawa.
Ngunit kailangang isaalang-alang aniya kung mataas ang produksyon o demand at pangangailangan ng produktong ibinebenta at mayroong savings ay maaari namang dagdagan ng employer ang suweldo ng kanilang mga trabahante.
Aminado si Alfante na siya man ay isang negosyante sa economic zone.
Ang lahat ng kanyang trabahador ay well compensated lalo na sa mga benepisyong dapat matanggap sa ilalim ng batas at pagbabayad ng overtime pay, night differentials at iba pang uring benepisyo ng isang manggagawa.
Iginiit ni Alfante na kung maipagkakaloob nang tama at maayos ang benepisyo sa mga empleyado ay walang mag-uunyon o anomang reklamong maririnig mula sa mga empleyado.
Kabilang aniya sa itutulak ng kanilang party-list sa sandaling mahalal sa mababang kapulungan ng Kongreso ay ang pagkakaroon ng tamang edukasyon, training at pagbibigay ng trabaho sa bawat mamamayan.
Sinabi ni Alfante na malaking tulong para sa isang manggagawa kung ang kanyang pag-aaral at training ay magaganap sa kanilang lugar kung saan hindi na kailangan pang mamasahe. Dahil dito, isusulong niya ang isang training center sa bawat munisipalidad o kung kakayanin ay sa bawat barangay. (JULIET PACOT)
