ONE MERALO FOUNDATION, KAISA SA LABAN KONTRA COVID-19

NGAYONG panahon ng pandemya, napakahalaga ng pagtutulungan sa pagitan ng iba’t ibang sektor ng lipunan lalo na’t patuloy na tumataas ang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) mula ika-24 ng Abril, ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay 989,380 na.

Hindi magtatagal ay aabot na sa isang milyon ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Bagama’t ­nananatiling malubha ang sitwasyon ng bansa bunsod ng ­pandemyang ito, hindi naman dapat mawalan ng pag-asa dahil sa aktibong pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor.

Mula pa nang nagsimula ang pandemya sa bansa noong 2020, aktibo na ang Meralco sa laban kontra ­COVID-19. Marami itong programa at proyektong pinangangasiwaan ng One Meralco Foundation, ang ­sangay ng ­Meralco na namamahala sa mga ­programa at proyektong ukol sa pagtulong sa mga komunidad sa loob at labas ng lugar na nasasakupan ng serbisyo ng Meralco.

Isa sa mahahalagang prog­rama ng OMF ay ang pagpapa-ilaw ng mga paaralan sa mga liblib na lugar ng bansa na hindi na abot ng mga pasilidad ng kuryente sa naturang lugar. Ang proyektong ito ay aktibo na sa loob ng halos sampung taon. Sa kasalukuyan, umabot na sa 260 na paaralan ang napailawan ng OMF sa buong bansa – 114 na paaralan sa Luzon, 79 sa Visayas, at 67 sa Mindanao.

Malaking tulong ang nasabing proyekto lalo na’t kasalukuyang ipinapatupad ang online classes para sa kaligtasan ng mga mag-aaral at ng mga guro. Sa pamamagitan ng proyektong ito ng OMF, ­nabigyan ng pagkakataon ang mga guro na ipatupad ang blended learning approach sa kanilang pagtuturo.

Aktibo rin ang OMF sa ­paghahatid ng tulong at suporta sa ating mga frontliner. Ayon sa datos ng ­organisasyon, umabot na sa higit 13,000 ang bilang ng mga naka-pack na pagkain na naipamahagi sa iba’t ibang ospital kabilang dito ang Philippine General Hospital at Lung Center of the Philippines.

Maliban sa pagtulong sa laban kontra COVID-19, nananatiling aktibo ang mga ­programa ng OMF na naglalayong tumugon sa suliraning pangkapaligiran ng bansa gaya ng polusyon at climate change.

Noong 2019 ay inilunsad ng Meralco ang One For Trees sa pamumuno ni Meralco President & CEO Atty. Ray C. Espinosa. Layunin ng programang ito na makatulong na mapanumbalik ang biodiversity at ang maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga magsasaka at ng mga komunidad.

Noong 2019 ay pinangasiwaan ng OMF ang pagtatanim ng puno sa iba’t ibang lugar kasama ang mga empleyado ng Meralco na ­nagboluntaryong makiisa sa programa. Sa kasalukuyan, umaabot na sa 99,361 ang bilang ng punong naitanim sa ilalim ng nasabing programa. 81,495 sa mga ito ay matatagpuan sa Green Earth Heritage Farm.

Makakaasa ang mga mamamayan na bukod sa patuloy na paghahatid ng serbisyo ng Meralco 24/7 ngayong panahon ng pandemya, magpapatuloy rin ang mga ­programa ng Meralco at OMF na naglalayong makatulong sa komunidad at mapataas ang antas ng kabuhayan ng bawat isa, nasa loob man o labas ng lugar na sineserbisyuhan nito.

180

Related posts

Leave a Comment