ONE TIME BIG TIME SA MGA TINDAHAN NG CAR SPARE PARTS, IKINASA NG PHPG

LAGUNA-Nasorpresa ang mga tindahan ng segundamanong piyesa ng sasakyan nang inspeksyunin sila ng mga operatiba ng Provincial Highway Patrol Group sa inilunsad nitong One Time Big Time operation laban sa mga ilegal na nagbebenta ng nakaw o mula sa kinarnap na sasakyan.

Buenamano sa mga sinuyod ng PHPG ang mga tindahan sa lungsod ng Calamba.

Hakbang ito ng PHPG upang paigtingin ang pagpapatupad ng PD 1612 o “Visitorial Inspection” na pinangunahan nina PLt. Emerson Custodio at PCpt. Charie Reyes ng PHPG Laguna kasama ang Regional Highway Patrol Unit 4-A o RHPU 4-A at Crime Laboratory.

Ininspeksyon din ang mga dumaraang pribadong sasakyan sa kahabaan ng National Highway sa Calamba City upang matiyak na nakarehistro ang sasakyan o may ORCR.

Matatandaang kamakailan, isang aktibong pulis ang nahuling gumagamit ng carnap na sasakyan sa lungsod ng Quezon kaya’t nagpatupad ang PNP-HPG ng malawakang operasyon sa mga tinaguriang “hot cars”.

Wala namang nahulihan ng nakaw na piyesa o sasakyan sa mga ininspeksyong tindahan dahil lahat ng mga ito ay nakapagpakita ng kumpletong dokumento tulad ng permit mula sa DTI, Mayor’s Office at Business Permit. (CYRILL QUILO)

381

Related posts

Leave a Comment